TAMA lang na hindi mag-resign si Senate President Franklin Drilon dahil sa pagtanggap niya ng P100 million Disbursement Allocation Fund (DAP) noong 2012.
Ang DAP ay ibinigay ng sa mga mambabatas ng Malakanyang matapos ma-convict si Chief Justice Renato Corona ng Senado dahil sa hindi pagdeklara ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Nanawagan kasi sa social media ang aktor na si Robin Padilla na magbitiw sa tungkulin si Drilon.
At bakit naman
magre-resign si Drilon samantalang di naman niya ibinulsa ang P100 million na inilaan sa kanya?
Hindi naman cash ang P100 million ang tinanggap ni Drilon kundi listahan ng mga infrastructure projects na nirekomenda ng mga mambabatas at opisyal ng lokal na pamahalaan na gagawin ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“We were only asked to list down a number of projects which were immediately implementable at that time in order to accelerate government spending and boost the economy,” sabi ni Drilon.
Samakatuwid, nakatulong pa nga si Drilon sa pagpapaunlad ng ekonomiya dahil sa kanyang P100 million allocation sa DAP.
Kilala ko Drilon sa aspeto ng paglalabas ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.
Kapag may mga taong kapuspalad na humingi sa inyong lingkod ng tulong upang mabigyan sila ng gamot o maipagamot, ang una kong tinatawagan ay si Drilon kahit noong di pa siya Senate President.
Hindi pa ako ni minsan na binigo ni Drilon kapag humingi ako ng tulong sa kanya upang ipagamot ang mga mahihirap.
Sinabi niya sa akin na isa sa pinakamalaking slice sa kanyang pork barrel ay napupunta sa government hospitals upang maipagamot ang mga kapuspalad.
Kaya, Robin, mali ang pinananawagan mong magbitiw sa pork barrel scam.
O baka naman gusto mo lang gumanti dahil nakulong ka sa Muntinlupa noong panahon ni Drilon bilang Secretary of Justice?
qqq
Si Drilon pa mismo ang nagsabi sa akin noong simula pa ng pagputok ng P10-billion pork barrel scam na magiging “cleansing process” ang imbestigasyon, pagsasakdal, at pagkakakulong sa mga nasangkot.
Mawawala ang masasamang damo sa gobiyerno dahil sa pagkakabunyag ng pangungurakot sa pera ng taumbayan, ani Drilon.
Bakit siya idadamay sa pork barrel scam samantalang wala siyang ni singko na ibinulsa na pera na laan sa taumbayan?
Ang mga perang nailabas sa kanyang pork barrel allocation ay napunta lahat sa dapat mapuntahan.
Oo nga’t nakunan si Drilon na kasama niya sa litrato si Janet Lim-Napoles, ang pasimuno ng pork barrel scam, pero anong masama roon?
Kung ang mga taong nag-iimbita sa salu-salo sa isang pulitiko ay pinagbibigyan, ano kaya pa ang magpalitrato?
Politicians are invited to stand as “ninong” or “ninang” in baptisms or weddings. To refuse such invitation means a political disaster for the politician.
Sinabi sa akin minsan ni Manila Mayor Erap na di na niya mabilang ang kanyang inaanak sa bigyan at kasal dahil sa dami.
Natural lamang na ididispley ng mga napaunlakan ng isang politician ang pagdalo nito sa kanyang party o ang pagtabi sa kanya sa picture-taking.
Kung ang inyong lingkod nga ay marami na ring litrato sa Facebook dahil sa pagpapaunlak ko sa mga tao na magpa picture-taking, kaya pa ang isang tanyag na mambabatas na gaya ni Drilon?