Kakai: Marami nang nag-betray sa akin pero wala namang pa-screen grab!
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Kakai Bautista
KAHIT below the belt at sobrang nakakasakit na ang mga pamba-bash at panlalait ng mga netizens, mas gusto pa rin ni Kakai Bautista ang magpakapositibo sa buhay.
Isa ang komedyana sa mga celebrities na laging nakakatanggap ng hate messages sa social media pero pinipili pa rin niya ang mga papatulan at sasagutin niya lalo na kapag matindi na ang pinagsasasabi laban sa kanya, kabilang na ang mga negatibong write-ups about her.
Sey ng Kapuso singer-comedienne nang tanungin sa isang panayam kung paano niya hina-handle ang mga toxic na tao sa socmed, “Grabe naman kasi talaga ang ginawa sa atin ng pandemic, di ba? Yung mental health natin, talagang na-compromise talaga.
“So, hindi mo na rin mababalanse sa utak mo. Saka feeling ko because of hormones talaga, kasi 44 na ako. So, nandu’n na ako sa boundary of menopausal and all. Papunta na ako sa iba talaga ang takbo ng hormones ko ngayon.
“So, I make it a point na kapag hindi ko kaya ang emosyon ko, I don’t post anything on social media. Kasi natuto na rin ako, di ba? Tapos, hindi ko na sineseryoso yung mga write-up sa akin, yung mga comments nila. Pag sineryoso mo kasi, it gets into you, e.
“It gets into your head, into your heart. Parang natututunan ko na trabaho yun ng writers and vloggers, na it’s their work, that’s how they earn. So you respect that.
“Yung mga below the belt, yun lang ang medyo…maggaganu’n ka pero andito naman tayo. When we see each other, OK tayo, di ba? Alam mo yun?
“Nakita ko yung ganito. Ay! Sinulat, di ba? Kasi trabaho natin yun, e. That’s how we earn, that’s how we make a living. So kumbaga, hindi ka talaga puwedeng balat-sibuyas,” sey ni Kakai.
Hangga’t maaari ay iniintindi na lang niya ang mga haters, “Ginagastusan ka, naglu-load, may oras sa iyo?! Kaya kagaya ni Madam, ganun din ako. Pinapaikut-ikot ko sila. Tapos, kapag natapos na ako, tatawa na ako. Okay, okay na itong mga sagot ko. Babu!”
Natanong din ang komedyana tungkol sa mga pa-screenshot o pa-screen grab sa mga magkakaibigan kapag nagkatampuhan o nag-away-away?
“Ayoko na ngang magsalita tungkol diyan pero nakakatakot. Nakakatakot yun. Pero I think kasi, it’s more of the friendship na nabuo ninyo sa trust. Kasi, when you’re real friends, outside showbiz, or within the showbiz community, if you really trust the friendship, para sa akin, you will not do it.
“Hindi mo ilalabas iyon. Kasi, pact ninyo iyon as friends, di ba? Puwede kang magsalita about that person when you’re angry, when you’re mad, when you’re not happy, di ba? Pero not that private thing about your friendship,” mariing sabi ng dalaga.
Dugtong pa niya, “Marami nang nag-betray sa akin pero wala namang screen grab! Kasi nakakatawa yun, yun ang totoong Marites. Kasi kayu-kayo lang dun, e. Screen grab mo sa isang chat dito, ise-send mo sa kabilang chat group? Sa inyo lang yun, di ba?”
Sure naman daw si Kakai na walang mangyayaring ganu’ng eksena sa kanya, “Kasi I trust my friends. I know they trust me, and I trust them.
“So, hindi ako natatakot because sa circle ko, sa tagal na naming magkakaibigan may mga bago akong kaibigan, I know how they work as friends.
“And yun nga ang mahirap, e. Kasi lahat ngayon, puwede mong maging kaibigan, di ba? But sila yun, e. Hindi ko naman hawak yung mga utak nila. Ganu’n sila.
“So, thankful na lang din ako na I don’t have friends like that. Talagang tuturuan mo ang mind mo ng positivity, although mahirap talaga. Natuto na ako at natututo pa habang tumatagal. Kasi dito naman sa atin, matututo ka, e.
“Kasi, may ibang mangyayari pa sa karera mo, di ba? So, lagi kang matututo every year.
“Marami kang matututunan lalo na at nagpapalit na tayo ng buhay, puro social media na. So, you better be ready sa mga puwedeng mangyari sa buhay natin,” paliwanag ni Kakai.
Ang tanong kay Kakai tungkol sa friendship ay may kaugnayan sa kontrobersyal na away nina Zeinab Harake at Wilbert Tolentino.