Luzon, Visayas, Mindanao masisilayan ng Miss Earth delegates

Luzon, Visayas, at Mindanao ang destinasyon ng 2022 Miss Earth delegates

Luzon, Visayas, at Mindanao ang destinasyon ng 2022 Miss Earth delegates./ARMIN P. ADINA

 

PUMASYAL na sa Zamboanga City sa Mindanao ang 87 kandidata ng 2022 Miss Earth pageant, at hindi pa sila natatapos sa kanilang pamamasyal sa Pilipinas. Sinabi ng organizer na Carousel Productions na paghihiwalayin ang mga dilag sa ilang mga pangkat upang pumunta sa ilan pang mga lugar sa Visayas at Luzon.

May mga pangkat nang nakatakdang dumalaw sa Dumaguete City, Siaton sa Negros Oriental, Tuburan sa Cebu, at sa lalawigan ng Romblon, lahat sa Visayas.

Jessica Cianchino, Canada/ARMIN P. ADINA

Sa Luzon naman, pupuntahan ng iba’t ibang pangkat ang Pontefino sa Batangas City, Aqua Planet sa Pampanga, Ligao City sa Albay, Brooke’s Point sa Palawan, at ang lalawigan ng Tarlac.

Sa kabuuang 10 lugar na mapapasyalan sa Pilipinas, ito na ang isa sa pinakamaraming destinasyong nasaklaw ng Miss Earth sa isang edisyon lang. Ibinahagi ng Carousel Productions na may iba pang local government units na nais mapabilang sa mga pupuntahan ng mga kandidata

Jenny Ramp, Philippines/ARMIN P. ADINA

Isinusulong ng Miss Earth pageant ang ecotourism alinsunod sa hangarin nitong makapagpalaganap ng kamulatan sa pangangalaga sa kalikasan. Tinatawag na “Beauties for a Cause” ang mga reyna nitong nagsisilbi bilang mga tagapagsulong ng mga proyektong naglalayong mapangalagaan ang daigdig.

Apat na Pilipina na ang nakasusungkit ng korona—sina Karla Henry noong 2008, Jamie Herrell noong 2014, Angelia Ong noong 2015, at Karen Ibasco noong 2017.

Sheridan Mortlock, Australia/ARMIN P. ADINA

Ngayong taon, ang American-Filipino psychology student na si Jenny Ramp mula Tarlac ang kinatawan ng Pilipinas sa pandaigdigang patimpalak.

Isasalin ni Destiny Wagner, ang unang international beauty titleholder mula Belize, ang korona niya sa tagapagmanang hihirangin sa 2022 Miss Earth coronation program sa Cove Manila pool club ng Okada Manila sa Parañaque City sa Nob. 29.

Andrea Aguilera, Colombia/ARMIN P. ADINA

Read more...