KALMADONG humarap si Misters of Filipinas-Man Hot Star Jovy Bequillo sa send-off press conference niya ilang araw bago tumulak sa Thailand upang sumabak sa una niyang first international contest, tila ba matagal na niya itong pinaghahandaan. Ngunit hindi iyon ang katotohanan.
Isang buwan pa lang ang nakararaan mula nang masungkit niya ang national sa isang patimpalak na idinaos ilang linggo lang mula nang sumampa siya sa kaniyang regional pageant. Ngunit para sa maraming tagasubaybay, mistulang matagal na niya itong ginagawa, isinilang upang sumampa sa entablado.
Banaag ang kumpiyansa sa sarili nang humarap si Bequillo sa send-off press conference sa Alpha Massage and Wellness Therapy sa Quezon City ngayong Nob. 16.
Ilang titulo ang pianglabanan sa una niyang national pageant, ngunit sinabi ni Bequillo na inaasinta niya talaga ang Man Hot Star International, isang bagong international competition sa Thailand na ipinagsanib ang pageantry, modeling, at entertainment.
Tinukoy ng Misters of Filipinas pageant ang international contest bilang “the newest luxurious pageant in Thailand” na naghahanap ng “luxury brand model to meet the needs of the national business class.”
Nagkakahalagang $81,380 ang premyo sa Man Hot Star International, kabilang ang $13,600 halaga ng salapi. Mabibigyan din ang winner ng mga pagkakataong makasabak sa modeling, acting, at hosting.
Naniniwala si Bequillo na taglay niya ang mga katangiang hinanahanap ng international contest, at nangako sa mga kababayan na ibabandera niya ang Pilipinas sa abot nang makakaya niya.
Tulungan si Bequillo na makaungos sa kumpetisyon sa pamamagitan ng pagboto online. Makikita sa opisyal na Facebook page ng patimpalak ang paraaan ng pagboto.
Itatanghal ang unang edisyon ng Man Hot Star contest sa Bangkok, Thailand, sa Nob. 25