Front office staff nasungkit ang korona ng hotel

 

Mikhaella Fernandez

Mikhaella Fernandez/ARMIN P. ADINA

MULING binuhay ng isang hotel sa Maynila ang patimpalak na una nitong isinagawa noong 2018 upang mahikayat ang pagkamasigasig ng mga kawani, at maipamalas ang mga pagpapahalagang sinisikap nitong maisulong sa paglipas ng panahon.

Hinirang si Mikhaella Fernandez mula sa Front Office Department bilang 2022 Miss Bayview Park Hotel sa isang patimpalak na itinanghal sa ballroom ng hotel noong Nob. 15.

Dinaig niya ang lima pang kandidata mula sa iba’t ibang departamento upang tanggapin ang titulo mula kay Jane Espino na nagwagi sa patimpalak noong 2018. Hinakot din niya ang tatlo pang parangal—ang Employee’s Choice, Best in Promotional Video, at Miss Social Media.

Sinabi ni Fernandez, na anim na taon nang nagtratrabaho sa hotel, na maipagmamalaki niya ang karanasan sa hotel na malagpasan lahat ng hamong hatid ng COVID-19 pandemic.

Hawak niya ang mga kamay ni Rosanna Roxas mula sa Executive Office bilang “last two women standing” sa huling yugto ng patimpalak.

Mikhaella Fernandez/ARMIN P. ADINA

Tinanggap naman ni Roxas ang titulong Miss Resilience. Ginawaran din ang apat na natitirang kandidata ng kani-kanilang titulong tumutukoy din sa mga pagpapahalaga ng hotel.

Hinirang si Danise Calamasa mula sa Finance Department bilang Miss Mutual Respect, habang itinanghal naman si Jhudee Reyes mula sa Food and Beverage Department bilang Miss Initiative.

Tinanggap ni Miss Photogenic Marycris Cabatic mula sa Food and Beverage Department ang titulong Miss Punctuality, habang hinirang naman si Miss Breakthrough Rhona Danabar mula sa Kitchen Department bilang Miss Charity.

Nagmula sa question-and-answer round and kalahati ng mga iskor, habang 30 porsyento naman ang mula sa long gown competition. Kinuha naman ang nalalabing 20 porsyento sa opening production number kung saan din sinukat ang “poise and bearing” ng mga kandidata.

Read more...