Sa wakas, sasabak na sa Miss International pageant si Bb. Pilipinas Hannah Arnold

Sa wakas, sasabak na sa Miss International pageant si Bb. Pilipinas Hannah Arnold

Tumatanggap ng bulaklak si Bb. Pilipinas Hannah Arnold (kanan) mula kay BPCI Executive Committee member at 2005 Miss International Precious Lara Quigaman-Alcaraz./ARMIN P. ADINA

TATLONG taon mula nang unang tumuntong sa entablado ng Binibining Pilipinas, at ilang buwan makaraang koronahan ang kaniyang tagapagmana, sa wakas sasabak na si Hannah Arnold si Miss International pageant.

Unang sumali ang Australian-Filipino forensic scientist mula Masbate sa 2019 Bb. Pilipinas pageant, kung saan siya nagtapos sa semifinals. Nagbalik siya noong sumunod na taon, ngunit naunsyami ang patimpalak dahil sa COVID-19 pandemic.

Nagpatuloy ang patimpalak noong 2021, at nasungkit niya ang korona bilang Bb. Pilipinas International. Ngunit pinalawig pa nang isang taon ang “pandemic pause” ng ika-60 Miss International pageant na nakatakda niyang salihan, kaya naghintay pa siya bago maiwagayway ang watawat ng bansa sa pandaigdigang entablado.

Subalit itinanghal na ang 2022 Bb. Pilipinas pageant nitong Hulyo, at kinoronahan na ni Arnold ang tagapagmana niyang si Nicole Borromeo nang hindi man lang nakakalaban sa Miss International.

Marami ang nagtaka: Si Arnold pa rin ba ang lalaban sa Miss International, o si Borromeo na?

Pinawi ng Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI) ang agam-agam ng mga tagasubaybay nang ihayag na si Arnold pa rin ang ipadadala sa Japan.

Buo ang suporta kay Hannah Arnold (pangatlo mula kaliwa) ng Bb. Pilipinas ‘sisters’ niyang sina (mula kaliwa) Chelsea Fernandez, Stacey Gabriel, Nicole Borromeo, Gabrielle Basiano, at Samantha Panlilio. /ARMIN P. ADINA

Ngayon, makaraang daluhan ang mga send-off ng mga kapwa niya reyna ng Bb. Pilipinas, mula 2021 hanghang 2022, sa wakas si Arnold na mismo ang may send off.

Nagdaos ang BPCI ng isang send-off press conference para lamang kay Arnold sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City ngayong Nob. 15, kung saan niya tinanggap ang suporta ng mga kapatid niya sa pageantry.

Tutulak si Arnold sa Tokyo para sa ika-60 Miss International pageant, na magtatapos sa isang grand coronation program sa Tokyo Dome City Hall sa Dis. 13.

Kung magwawagi si Arnold, bibigyan niya ang kaniyang 2021 Bb. Pilipinas batch ng ikatlong korona. Nasungkit ni Maureen Montagne ang titulo bilang Miss Globe sa Albania, hinirang namang Miss Intercontinental si Cinderella Faye Obeñita sa Egypt.

Tulungan si Arnold na makaungos papalapit sa korona sa pamamgitan ng pagboto sa kanya sa Miss International mobile app. I-download ito nang libre sa Play Store o App Store. Sa Nob. 30 ang simula ng pagboto.

Sa lahat ng international pageants, nakamit ng Pilipinas ang pinakamarami nitong korona mula sa Miss International competition na may anim na reyna–sina Gemma Cruz (1964), Aurora Pijuan (1970), Melanie Marquez (1979), Precious Lara Quigaman (2005), Bea Rose Santiago (2013), at Kylie Verzosa (2016).

Read more...