NASUNGKIT ni Joshua Lillehagen mula Bohol ang main title sa unang pagtatanghal ng Great Man of the Universe Philippines competition sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City noong Nob. 13.
Mula sa 100 kalahok na nagmula sa iba’t ibang panig ng bansa at mga pamayanang Pilipino sa ibayong-dagat, 40 kandidato lang ang nakaungos sa face-to-face round ng kumpetisyon, kasama ang biyahe sa Baguio City kung saan din tinanggap ni Lillegen ang parangal bilang “Darling of the Press.”
Iba’t ibang ittulo pa ang iginawad ng bagong national male pageant.
Itinanghal si Jupheter Franco mula South Cotabato bilang Great Man Education and Sports, habang iginawad naman kay Stephen Harold Liley mula Sablan, Benguet, ang titulong Great Man Culture and Tourism.
Napunta ang Great Man Top Model title kay Rizmel Cabigao mula Sta. Rosa, Laguna, at ang Great Man Pro Earth kay Justin Carl Felas Ong mula Tacloban City. Hinirang naman ang pageant veteran na si EJ Malik mula Lanao del Norte bilang Great Man Ambassador.
Kinilala naman si Aaron Jo Reyes mula sa pamayanang Pilipino sa Kingdom of Saudi Arabia bilang Great Man-Filipino Community. Si Renzo Austria mula Paete, Laguna, ang Great Man-Luzon, si Apple Pentocan Lao mula Leyte ang Great Man-Visayas, at si Dan Kemuel Erok Mabano mula Lugait, Misamis Oriental, ang Great Man-Mindanao.