GOOD evening po, doc. Noong isang buwan ay may kasamang dugo ang dumi ko. Hindi ko iyon pinansin, pero naulit na naman po. Natakot na ako baka kung ano na po kasi iyon. —Mia, …1803
Hello, Mia at hello din sa ating mga readers. Pasintabi sa inyo dahil medyo hindi kahali-halina ang topic natin ngayon.
Mia, tungkol doon sa tanong mo, kapag may dugong kasama ang iyong dumi, ang maaaring panggalingan nito ay ang bituka (gastrointestinal tract o GIT), na hinahati sa upper at lower GIT.
Ang pagdudugo na galing sa sikmura (stomach) ay kadalasan maitim kapag lumabas sa dumi. Kapag buhay o mapula pa na dugo ang lumabas kasabay sa dumi, ito ay nanggaling sa malaking bituka (colorectal), posible rin sa maliit na bituka (small intestine) at sa tumbong (anus).
Ang pinakamadalas na sanhi ng Lower GI bleeding ay ang hemorrhoids o almoranas.
Ito ay fresh blood na madalas kasabay sa matigas na dumi lalo na kapag matagal na nakaupo sa trono. Alam ba ninyo na may dalawang klase na almoranas?
Una ay ang “internal hemorrhoids” na ang sintomas ay pagdudugo at bukol sa tumbong.
Ang ikalawa naman ay ang “external hemorrhoids” na kadalasan ay nagpapakita ng bukol na namamaga at sobrang masakit.
Sa external hemorrhoids, nakakatulong ang “hot sitz bath” o ang pag-upo sa mainit na tubig sa ilalim. Ang init ng usok o mismo ng tubig ay makapagpahupa ng pamamaga.
Binibigyan din ng antibiotics kapag may iimpeksyon at pampatunaw ng blood clot or thrombosis na siyang dahilan nito.
Sa kaso naman ng internal hemorrhoids, ito ay nangangailangan ng operasyon kapag ito ay Grade III-IV, kung saan ito ay hindi na naisasauli at dumudugo na kahit walang sakit na nararamdaman.
May ibang paraan upang gamutin ito gaya ng rubber band ligation, kung saan tinatalian lang ang almoranas na dumudugo. Iwasan ang matagal na pag-upo sa toilet bowl at pag-iri ng malakas at tuloy-tuloy.
Magpatingin sa doktor para malaman kung anong klase ng almoranas meron ka para madali rin itong masolusyunan.
Wala namang ipinagbabawal na pagkain sa mga merong almoranas. Pero makatutulong kung daragdagan ang water consumption mo araw-araw, at maging ang mga high-fiber food gaya ng mga prutas, gulay at whole grains.
Makakatulong ang mga ganitong pagkain sa iyong pagdumi. Meron ba kayong nais isangguni kay Dr. Heal? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar, at mensahe sa 09999858606.