3 bagong kinatawan ng Pilipinas sa international pageants ipinakilala na

SUNUD-SUNOD ang mga naging anunsyo nga tatlong national pageant organizations, lahat nagpakilala ng mga kinatawan ng Pilipinas sa tatlong magkakaibang international competitions.

Sasabak sa naunsyaming inaugural edition ng Miss Charm pageant si 2022 Miss Universe Philippines first runner-up Annabelle McDonnell, ang kinatawan ng Misamis Oriental sa national pageant nitong Abril.

Si Miss Universe Philippines first runner-up Annabelle McDonnell na ang bagong Miss Charm Philippines./MUPH PHOTO

Tutulak sa Vietnam sa susunod na taon ang British-Filipino student ng De La Salle-College of Saint Benilde para sa kaniyang international competition. Naunang itinakda ang Miss Charm pageant noong 2020, ngunit nadiskaril ng COVID-19 pandemic ang plano ng organizers na ilunsad ang patimpalak.

Si Ashley Subijano Montenegro, anak ng beauty queen na si Cara Subijano at modelong si Hans Montenegro, ang una sanang kalahok ng Pilipinas sa pandaigdigang patimpalak. Nasungkit niya kasi ang titulong Miss Charm Philippines sa 2019 Global Asian Model Philippines competition.

Ngunit isinuko niya ito nang sumali siya sa 2022 Miss World Philippines pageant, kung saan niya tinanggap ang titulong Miss Eco Philippines. Dahil dito, siya na ang magiging kinatawan ng bansa sa 2023 Miss Eco International contest sa Egypt, at tatangkaing makuha ang koronang hawak ngayon ng Pilipinang reynang si Kathleen Paton.

Miss Tourism Philippines Justine Felizarta/MISS TOURISM WORLD PHOTO

May international assignment na rin ang Miss World Philippines batchmate niyang si Justine Felizarta.

Walang kaakibat na international competition ang natanggap niyang titulong Miss World Philippines Tourism, katumbas ng first runner-up spot. Ngunit ibinalita ng national pageant organization niya kamakailan lang na ipadadala siya sa 2022 Miss Tourism World pageant sa Vietnam sa Disyembre.

Samantala, ipinakilala naman ng Mutya ng Pilipinas ang magiging kinatawan ng bansa sa 2022 Miss Tourism International pageant sa Malaysia ngayong Nobyembre, si 2019 candidate Maria Angelica Pantaliano.

Miss Tourism International Philippines Maria Angelica Pantaliano/MUTYA NG PILIPINAS PHOTO

Walang itinanghal na Mutya ng Pilipinas pageant nitong 2020 at 2021 dahil sa COVID-19 pandemic, ngunit nakapagpadala ang organisasyon ng kinatawan sa virtual edition ng Miss Tourism International noong nagdaang taon.

Si Mutya ng Pilipinas first runner-up Cyrille Payumo ang lumaban noong 2019, at naging ikalimang Pilipinang hinirang bilang Miss Tourism International.

Gumugulong na ang 2022 Mutya ng Pilipinas pageant at kasalukuyang tumatanggap ng mga aplikante.

Read more...