Taylor Swift lookalike pambato ng Australia sa Miss Earth pageant

Miss Earth Australia Sheridan Mortlock/ARMIN P. ADINA

Miss Earth Australia Sheridan Mortlock/ARMIN P. ADINA

AAKALAIN mong kaharap mo ang tanyag na American singer-songwriter na si Taylor Swift kapag nasilayan mo si Miss Earth Australia Sheridan Mortlock.

Sinabi ng beauty queen na nawa’y makatulong sa kanya ang pagkakahawig na ito sa pagsabak niya sa pandaigdigang patimpalak ngayong buwan.

Para sa national costume competition na isinagawa online, inamin ni Mortlock na sinasadya niyang magsuot ng costume na halaw sa “swift parrot” dahil sa pagkakahawig niya sa tanyag na musikera. Ngunit idinagdag niyang hindi lang ito ang dahilan kung bakit niya napili ang ibon.

“The main reason is because they are very critically endangered. There are only 750 left, and there is no sort of big government plan at the moment to really help them, and they could become extinct within the next 10 years,” inilahad ni Mortlock sa isang press conference na ipinatawag ng beauty and wellness management company na ProMedia sa Luxent Hotel sa Quezon City noong Nob. 4.

Tumanggi siyang paunlakan ang mga nagtipong kawani ng midya sa isang awiting pinasikat ni Swift, ngunit ibinahagi niyang aawit siya para sa talent competition ng 2022 Miss Earth pageant.

Inamin naman niyang naghahangad siyang maging punong ministro ng Australia balang araw, at nagbabalak na agad sumabak sa politika kapag natapos na niya ang pag-aaral ng global sustainability at politics sa University of Wollongong.

“Time is of the essence for climate change. Which is also why I’m doing this right now, right here, because this door of opportunity opened up to me,” ani Mortlock.

Kapag naging punong ministro na umano siya ng Australia, maglalatag siya ng mga batas pangkalikasang magtutulak sa bansa “on track to do international obligations.”

Isinusulong ng Philippine-based na Miss Earth pageant ang kapakanan ng kalikasan, at ito ang dahilan kung bakit tatlong ulit siyang sumali sa kanyang national pageant bago nasungkit ang korona at maging opisyal na kinatawan ng Australia sa pandaigdigang patimpalak.

“The is exactly my life path and I’m gonna grab it by the horns and run with it,” ani Mortlock, na umaasang maging unang Miss Earth winner mula Australia. Dalawang kababayan na niya ang hinirang bilang Miss Earth-Air, sina Dayanna Grageda (2015) at Nina Robertson (20217).

Nasa Maynila si Mortlock para sa mga pagsasanay at paghahanda sa face-to-face na yugto ng 2022 Miss Earth pageant na magsisimula ngayong buwan. Virtual ang naging patimpalak noong 2020 at 2021 dahil sa COVID-19 pandemic, at “hybrid” ang edisyon ngayong taon kung saan may virtual at physical na auxiliary events.

Makakalaban ni Mortlock ang 90 iba pang kinatawan mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Lahat ng mga kandidata inaasahang magtitipon sa Pilipinas para sa press presentation sa Nob. 14. Sa Nob. 8 naman inaasahang darating si reigning Miss Earth Destiny Wagner, ang unang babae mula Belize na nakasungkit ng isang major international beauty title.

Itatanghal ang 2022 Miss Earth pageant sa Cove Manila pool club ng Okada Manila sa Parañaque City sa Nob. 29. Doon din isinagawa ang huling pisikal na pagtatanghal ng patimpalak noong 2019.

Ang American-Filipino psychology student na si Jenny Ramp ang kakatawan sa Pilipinas sa ika-22 edisyon ng Miss Earth pageant.

Read more...