Dominican Republic waging Mister International 2022; Pinoy bet itinanghal na 4th runner-up

Mister International Manuel Franco mula sa Dominican Republic/ARMIN P. ADINA

Mister International Manuel Franco mula sa Dominican Republic/ARMIN P. ADINA

HINIRANG bilang Mister International si Manuel Franco sa pagtatanghal ng ika-14 edisyon ng patimpalak sa New Frontier Theater sa Araneta City sa Quezon City noong Oct. 30.

Dinaig niya ang 34 iba pang kalahok mula sa iba’t ibang bansa upang maging unang kinatawan ng Dominican Republic na nakasungkit sa titulo.

Itinanghal ang patimpalak ngayong taon tatlong taon mula nang isagawa ang ika-13 na paligsahan, ang maituturing na edisyon nito para sa 2018, noong Pebrero 2019, dito rin sa Pilipinas.

Dinaig ni Trinh Van Bao ang 38 iba pang kalahok noong taong iyon, kaya siya ang naging pangalawang winner mula Vietnam.

First runner-up ngayong taon si Lukanand Kshetrimayum mula India, habang second runner up naman si Orangel de Jesús Dirinot Guanipa mula Venezuela.

Third at fourth runner-up naman sina Jason Li Kwai Chiu ula Hong Kong at Myron Jude Ordillano mula sa Pilipinas.

Fifth runner-up si Juan Pablo Colías González mula Espanya.

Mister International fourth runner-up Myron Jude Ordillano mula sa Pilipinas/ARMIN P. ADINA

Tinatag ang 16-taong-gulang na international male pageant noong 2006 sa Singapore ng yumaong si Alan Sim. Ginunita naman sa final competition ang pagpanaw niya.

Ang makisig na pulis na si Mariano Flormata Jr., mas kilala sa pangalang Neil Perez, ang unang Pilipinong nagwagi bilang Mister International. Dinaig niya ang 28 iba pang kalahok sa patimpalak na itinanghal sa Seoul, South Korea, noong 2014.

Nauna nang ibinalita ng international organization na itatanghal ang ika-15 edisyon ng patimpalak sa Hanoi, Vietnam, sa Agosto 1, 2023.

Read more...