Anak pinatay sa sakal; ama nagpakamatay

NAGPATIWAKAL ang isang 39-anyos na tatay matapos niyang mapatay sa sakal ang 7-anyos na anak ng babae sa loob ng kanilang bahay sa Sta. Ana, Maynila, iniulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ni Senior Police Officer 1 Jonathan Moreno ng Manila Police District Homicide Division, ang mag-ama na sina Nestor at Kimi Dipasupil.
Natagpuan ang bangkay ng dalawa sa loob ng kanilang bahay sa 5th street, Punta, Sta. Ana, alas-9 ng gabi kamakalawa.
Ayon kay Moreno, nagtamo ng mga marka sa leeg ang bata, indikasyon na ito ay sinakal ng nylon cord na narekober sa tabi ng kanyang katawan.
Nang makitang patay na ang kanyang anak, paniwala ng pulisya, nag-suicide na si Nestor gamit ang pipe cleaner na kanyang ininom.
Isang bote ng kemikal ang narekober din sa lugar.
“Parang ganon ang lumalabas na pinatay niya muna yung bata bago ang sarili niya kasi parang naiayos na niya yung pwesto nung bata tapos sya nakasubsob sa lapag,” pahayag ni Moreno.
Dagdag pa ng pulis na posibleng problema sa pagitan ni Nestor at misis nito ang dahilan kung bakit ito nagpakamatay.
Anya, dalawang taon nang nagtatrabaho ang misis nito sa Italy, base na rin sa mga pahayag ng kanilang mga kaanak.

Read more...