NASUNGKIT ni Isabella Menin ang unang panalo ng Brazil sa Miss Grand International pageant sa ika-10 edisyon ng patimpalak na itinanghal sa Sentul International Convention Center sa Bogor Regency, West Java, Indonesia.
Tinalo niya ang 67 iba pang kandidata mula sa iba’t ibang bansa upang manahin ang korona mula sa nagwagi noong nagdaang taon, si Nguyen Thuc Thuy Tien na unang reyna mula sa Vietnam.
First runner-up si Engfa Waraha mula Thailand, habang second runner-up naman si Andina Julie mula Indonesia.
Third runner-up si Luiseth Materan mula Venezuela, habang si fourth runner-up Marina Beckova mula Czech Republic ang bumuo sa Top 5.
Nagtapos sa Top 20 si Binibining Pilipinas Roberta Tamondong mula sa San Pablo City sa Laguna, na isang beterana ng national at international pageants. Siya ang una at natatanging Pilipinang hinirang bilang Miss Eco Teen International. Napanalunan niya ang titulo sa Egypt noong 2020.
Tinatag sa Bangkok ang international pageant noong 2013 ng negosyanteng Thai na si Nawat Itsaragrisil sa plataporma ng kapayapaan, at may tagline na “stop the war.”
Sinamantala ni Oxana Rivera mula Purto Rico ang pagkakataon upang magkapaghatid ng mensahe kay Russian President Vladimir Putin, na naglunsad ng pagsalakay sa kalapit na Ukraine na kasalukuyan pa ring nangyayari.
Sinimulan niya ang talumpati niya para sa Top 10 speech segment sa Ingles, at nagsalita sa Russian nang iparating niya ang nais niyang sabihin kay Putin.
Hinirang na fifth runner-up si Rivera, kasama ang iba pang kasali sa Top 10 na hindi nakausad sa Top 5.
Sa huling yugto ng patimpalak, tinanong din ang Top 5 kung ano ang mensahe nila para sa pangulo ng Russia.
Wala pang Pilipinang nakasusungkit sa korona ng Miss Grand International. Pinakamataas nang puwesto para sa bansa ang first runner-up na narating nina Nicole Cordoves noong 2016 at Samantha Bernardo noong 2020.