Mahinang sex appeal? (2)

Sulat mula kay Alexei, ng Kauswagan, Lanao del Norte
Problema:
1.      Mahina nga ba ang aking sex appeal?  Sa edad kong 29 na, hindi pa ako nakatitikim ng lalaki.  Masakit mang aminin, lungkot na lungkot na ako.  Ang sabi ng amiga ko ay wala raw akong dating sa lalaki.  Parang ibig ko nang maniwala.  Siguro totoo nga ang sinasabi ng mga kaibigan ko kahit may hitsura naman daw ako mahina raw ang sex appeal ko kaya bihira lang ang manliligaw ko.
2. Gusto ko na pong magka-boyfriend kaya naisipan kong sumangguni sa inyo. Kailan po ba ako magkaka-boyfriend at sino ang una at huling magiging boyfriend ko? Sana ay matulungan ninyo ako kung kailan ako magkakaboyfriend, dahil sa larangan ng pag-ibig may karapatan din naman akong lumigaya at ayaw kong tumandang dalaga.
Umaasa,
Alexei, ng Kauswagan, Lanao del Norte
Solusyon/Analysis:
Astrology:
   Ang zodiac sign mong  Taurus (Illustration 2.) ang nagsasabing isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Capricorn ang magiging boyfriend mo at sa bandang huli ay tuluyan na ring makapag-aasawa.
Numerology:
Ang birth date mo ay nagsasabing isang lalaking isinilang sa petsa 18 ang darating sa iyong buhay sa susunod n taon 2014, kung saan, ang lalaking ito ang una at huli mong magiging boyfriend.
Physiognomy:
Ang cute na hugis o maliit na hugis ng iyong mukha ay nagsasabing isang lalaking medyo pahaba ang hugis ng mukha ang iyong magiging boyfriend at tuluyan na ring mapapangasawa.
Graphology:
Upang tuluyang matupad at ganap na mangyari ang mga pag-aanalisang tinuran sa itaas, alisin mo ang malaking bilog na kumukulong sa iyong lagda. Ang malaking bilog kasi ang nagiging hadlang upang ikaw ay tuluyan ng magka-boyfriend.
Sa halip na kulungin sa bilog ang iyong lagda na nalilikha ng pagbabalikwas sa direksyong kaliwa ng pinaka-paa ng letrang “a”, pasibatin mo na lang patungong kanan ang pinakapaa ng letrang “a”. Sa ganyang inobasyon ng lagda, magkaka-boyfriend ka na hanggang sa tuluyang makapag-asawa.
Huling payo at paalala:
Alexei, ayon sa iyong kapalaran, sa taong ito ay hindi ka pa magkaka-boyfriend, subalit sa susunod na taon 2014, tiyak ang magaganap, tulad ng nasabi na sa itaas, isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Capricorn ang iyong magiging boyfriend, na nagtataglay ng birth date na 18, na may initial na J.A. kung saan, ang lalaking ito ang magiging boyfriend at mapapangasawa mo.

Read more...