ISANG bagong beauty contest ang binuo ng Guardians Magistrate Advocators for Democracy International Inc. (GMADII) upang maghanap ng mukha para sa iba’t ibang proyekto nito, at kabilang sa mga kalahok ang mga dilag na nakasampa na sa entablado ng pangunahing national pageant sa bansa.
Kasama sa mga ipinakilala sa paglulunsad ng 2022 Miss GMADII pageant sa glass ballroom ng Okada Manila sa Parañaque City noong Okt. 22 sina Joanna Rabe mula Iba, Zambales, at Patricia Samantha Go mula Quezon City na kapwa nanggaling sa 2022 Binibining Pilipinas pageant.
Walong dilag lang ang ipinakilala sa event. Kasama nina Rabe at Go sina Julie Ann Magtagad, Marylim Rizo, Mannelyn Benagale, Daniela Mari Breton, Penelope Velasco, at Stephanie Ilagan.
Sinabi ni Aces and Queens General Manager Mikee Andrei sa Inquirer na magkakaroon ng 20 kandidata ang pageant. Nakikipagtulungan sila ni Aces and Queens Business Development Head Jim Ryan Ros sa GMADII para sa pagtatanghal ng unang edisyon ng patimpalak. Ang naturang pageant camp rin ang mangangasiwa sa pagsasanay sa mga kalahok.
Tinatag ang GMADII ni Dr. Estela Bulacan noong 2016 “to be an active support of government initiatives such as community-oriented services, peacekeeping endeavors, and charity contributions towards good governance and improvement of the quality of life of all Filipinos.”
Sinabi ni Rabe na nahikayat siyang sumali sa Miss GMADII pageant dahil sa pagsusulong ng pangkat sa pagpapanatili ng demokrasya. Para naman kay Go, nais niyang higit na makatulong sa mga nangangailangan sa tulong ng pangkat.
Si Rabe ang nakakuha ng pinakamaraming boto mula sa mga kawani ng midya na dumalo sa pagtitipon upang matanggap ang parangal bilang “Darling of the Press.” Maliban sa pagsalang niya sa Bb. Pilipinas, nakasali na rin siya sa Mutya ng Pilipinas at Miss Universe Philippines pageants.
Hihirangin ang 2022 Miss GMADII sa isang coronation night na itatanghal sa grand ballroom ng Okada Manila sa Nob. 29.