SAN MIG asinta ang 2-0 bentahe

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7:15 p.m. San Mig Coffee vs Meralco

PUNTIRYA ng San Mig Coffee ang 2-0 bentahe kontra Meralco sa kanilang muling pagtatagpo sa Game Two ng 2013 PBA Governors’ Cup best-of-five semifinals mamayang alas-7:15 ng gabi sa Smart Araneta coliseum sa Quezon City.

Nakakawala ang Mixers sa mahigpit na laban sa loob ng tatlong quarters upang tuluyang talunin ang Bolts, 83-73, sa series opener noong Linggo.

“It’s a great defensive battle. The series isn’t going to be pretty. It’s gonna be a series of attrition,” sabi ni San Mig Coach Tim Cone.
Mas balanse ang opensibang ipinamalas ng Mixers kung saan apat na manlalaro ang nagtapos nang may double figures sa scoring.

Sila’y pinangunahan ni Joe Calvin Devance na nagtala ng 17 puntos. Ang import na si Marqus Blakely ay gumawa ng 15 samantalang ang two-time Most Valuable Player na si James Yap at ang rookie na si Alex Mallari ay nag-ambag ng tig-12 puntos.

Sa kabilang dako ay nahirapan naman nang husto ang Meralco import na si Mario West na nalimita lang sa siyam na puntos. Sina Mark Cardona at Reynell Hugnatan, na kapwa inaasahang mag-deliver, ay hindi rin nakaporma at gumawa lang ng tig-
anim na puntos.

Ang Bolts ay pinangunahan ni Clifford Hodge na kumamada ng 19 puntos. Nagdadag ng 12 si Mike Cortez at 10 si John Wilson.
Ang Meralco, na nakasiguro na ng pinakamataas na placing sa siyam na conferences bilang miyembro ng PBA, ay nakalamang sa first quarter, 22-18, at angat pa sa halftime, 38-35.

Bahagyang nakaungos ang San Mig Coffee sa pagtatapos ng third period, 57-55, bago tuluyang lumayo sa payoff quarter.
Sa kabila ng pagkabigo sa Game One ay naniniwala si Meralco coach Paul Ryan Gregorio na kaya nilang bigyan ng magandang laban ang Mixers at puwede silang makarating sa finals.

“We just have to follow the game plan,” aniya. Nais ng San Mig Coffee na makabawi’t muling makarating sa Finals ng torneong ito kung saan sumegunda sila sa Rain or Shine noong nakaraang season.

Ang magwawagi sa seryeng ito ay makakalaban ng mananalo sa kabilang semifinals series sa pagitan ng Rain or Shine at Petron Blaze sa best-of-seven Finals.

( Photo credit to INS )

Read more...