‘10 Bawal Kainin ng Seniors’ ni Doc Willie Ong trending sa YouTube: Hinay-hinay o iwas nalang tayo

‘10 Bawal Kainin ng Seniors’ ni Doc Willie Ong

‘10 Bawal Kainin ng Seniors’ ni Doc Willie Ong (PHOTO: Facebook grab)

TRENDING ngayon ang “10 Bawal Kainin ng Seniors” video ng Youtuber doctor na si Doc Willie Ong kasama ang kanyang misis na si doktora Anna Liza Ramoso.

Sa YouTube vlog na ibinandera ni Doc Willie noong October 14 ay tinalakay ng mag-asawang doktor ang ilan sa mga ipinagbabawal na pagkain sa mga “senior citizens.” 

Nilinaw ng doktor na ang pinagbasehan niya sa kanyang “topic” ay ang “Centers for Disease Control and Prevention” ng Amerika.

Paalala pa nya, “Itong sampung pagkain, kung bata pa kayo, pwede ninyong kainin pero pagka nagkaka-edad hinay-hinay or iwas nalang tayo.”

Nagbabala din siya na dapat umiwas sa “diarrhea” ang mga nakakatanda dahil delikado na raw ito sa kanilang kalusugan.

“Kasi pag senior na, mas mahina na ang katawan, panlaban sa bacteria, pag nag tae ang senior ay delikado, may namamatay,” aniya.

Narito ang kumpletong listahan ng “10 Bawal Kainin ng Seniors”:

  1. Medium rare steak o half-cooked na karne
  2. Kilawin
  3. Talaba, tahong
  4. Softdrinks, diet drinks
  5. Hilaw na itlog
  6. Alak
  7. Matitigas na pagkain
  8. Processed meat 
  9. Unpasteurized milk
  10. Junkfood

 

Siyempre, inisa-isa ng mag-asawang doktor kung bakit ito ay ipinagbawal ng CDC.

Una, ang “medium rare steak” o “half-cooked” na karne na ayon kay Doc Willie ay mayroong napakaraming bacteria.

Mas mainam raw na kumain ng lutong-luto at siguraduhing walang dugo ang karne.

Sabi niya, “Kasi siyempre ‘di natin masabi ‘yung quality, mas maraming bacteria, may parasite… Kaya dapat hinuhugasan ng maigi at niluluto, dapat walang dugo lutong-luto.”

Gayundin din daw sa kilawin na marami namang “parasite.”

“Ito kasi naman, baka matsambahan tayo eh, may mga parasite… Kung hindi naman tayo bata eh konting ingat at minsan salty din ang raw fish eh,” aniya.

Pati rin daw ang mga talaba at tahong, “prone” din sa mga bacteria at ipinaliwanag pa niya na ang ibang bacteria ay hindi namamatay kahit niluto sa mainit na temperatura.

Sabi ni Doc Willie, “Hindi kasi natin alam ‘yung kalidad, ‘yung quality.

“Kasi siyampre itong mga shellfish, dumi ng dagat ang kinukuha niya eh. 

“Tsaka minsan may mga bacteria na kahit iluto mo siya sa boiling water, kumukulong mantika, hindi namamatay.”

Sinabi rin ng Youtuber doctors na hindi na rin daw magandang uminom ng “softdrinks” at “diet drinks” dahil mataas ang tsansa na magkaroon ng “diabetes” ang mga senior citizen.

Anila, “So ang ayaw natin dito, tumaas ‘yung blood sugar ng mga seniors.

“Kasi prone na tayo sa diabetes, ang taas na ng diabetes risk eh.”

Lalo rin nilang ipinagbabawal sa mga matatanda ang pag-inom ng alak.

Paliwanag ng dalawa, may epekto ang alak sa mga umiinom ng gamot, lalo na sa mga “maintenance medicine.”

Sey ng dalawa, “‘Yung gamot niyo sa high blood, diabetes, ‘yung gamot niyo sa depresyon ay hindi dapat pinagsasabay sa alak, nagugulo ‘yung dose.”

“Kasi pag senior na tayo, marami na tayong maintenance, so kontra ‘yung alak unlike nung bata-bata wala pa tayong maintenance,” patuloy nila.

Mahirap na rin daw matunawan ang mga senior kaya hindi nila nirerekomendang kumain ng matitigas na pagkain ang mga ito.

Sabi ni Doc Willie, “Kasi pag matigas na ‘yung pagkain, ‘yung tiyan ng senior, hindi na maganda ang digestion.”

Hindi rin daw maganda sa katawan ang “processed meat” dahil nakaka-cancer raw umano ito.

“‘Yung preserve na meat ay masarap pero maalat at may possibility na high salt at possibility na magkaroon ng cancer”aniya.

Ipinaliwanag din ng dalawang doktor kung bakit kailangang iwasan ang pag-inom ng “unpasteurized milk.”

Sabi nila, “Minsan kasi sa probinsya, may alaga kang baka tsaka kalabaw edi gagatasan na ‘yun sa umaga at ibebenta na agad. 

“Ibig sabaihin, hindi dumaan sa pasteurization, so minsan may mga bacteria na hindi napatay.”

Kasalukuyang umaani na ng mahigit 874,000 views at 29,000 likes ang trending YouTube video.

Read more:

Doc Willie Ong dumaan muna sa sandamakmak na sama ng loob bago nagkaroon ng 7-M subscribers sa YouTube

Bakit nga ba si Doc Willie Ong ang napiling VP ni Isko Moreno?

YouTuber Badel Manadil ‘feeling betrayed’ matapos nakawan ng empleyado

Read more...