KINORONAHAN ni Binibining Pilipinas Maureen Montagne, na nagwagi sa The Miss Globe pageant noong nagdaang taon, si Anabel Payano mula Dominican Republic bilang tagapagmana niya sa pagtatapos ng 2022 final competition na itinanghal sa Opera and Ballet National Theater sa Tirana, Albania, noong Okt. 15 (Okt. 16 sa Maynila).
Nagtapos naman sa Top 15 ang Bb. Pilipinas successor ni Montagne na si Chelsea Fernandez, na nauna nang nagwagi sa “Head-to-Head Challenge.” Inakala ng maraming pageant fans na makapagtatala ng back-to-back ang bansa sa The Miss Globe pageant ngayong taon.
Dinaig ni Payano si Fernandez at 51 iba pang kandidata upang maging unang reyna mula sa Dominican Republic sa ilalim ng kasalukuyang organizer ng The Miss Globe pageant na Deliart Association.
First runner-up naman si “People’s Choice” Anamaria Babau mula sa United Arab Emirates, habang second runner-up si Miss Bikini winner Drita Ziri mula sa Albania.
Third runner-up si Thanawan Wigg mula sa Thailand, habang fourth runner-up si Lam Thu Hong mula sa Vietnam na Best in National Costume winner din.
Nasungkit ng Pilipinas ang una nitong panalo sa ilalim ng kasalukuyang organizer noong 2015 nang magwagi si Ann Lorraine Colis sa patimpalak na itinanghal sa Canada.
Si Fernandez ang pangalawang reyna ng Bb. Pilipinas na sumabak ngayong buwan. Nabigo si Gabrielle Basiano na masungkit ang korona ng Miss Intercontinental mula sa Pilipinang reynang si Cinderella Faye Obeñita sa Egypt noong Okt. 14 (Okt. 15 sa Maynila) at nagtapos sa Top 20.
Si Roberta Tamondong ang pangatlong titleholder mula sa Bb. Pilipinas na makikipagtagisan ngayong OKtubre. Tatangkain niyang maibigay sa Pilipinas ang una nitong panalo sa Miss Grand International pageant sa pagtatanghal ng ika-10 edisyon ng patimpalak sa Indonesia sa Okt. 25.