Nakangiti si Alexandra Mae Rosales ng Pilipinas (kaliwa) makaraang hiranging Miss Supermodel Worldwide. Katabi niya si first runner-up Kaylee Roxanne Porteges Zwart mula sa Netherlands./MISS SUPERMODEL WORLDWIDE FACEBOOK PHOTO
ITINANGHAL si Alexandra Mae Rosales ng Pilipinas bilang Miss Supermodel Worldwide sa patimpalak na itinanghal sa Leela Palace Hotel sa Jaipur, India, noong Okt. 15 (Okt. 16 sa Maynila).
Dinaig niya ang 16 iba pang kalahok mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang maging unang Pilipinang nagwagi sa naturang patimpalak.
First runner-up si Kaylee Roxanne Porteges Zwart mula sa Netherlands, habang second runner-up si Nova Retalista mula sa Indonesia.
Third runner-up si Sonia Alt Mansour mula sa France, at fourth runner-up si Alina Cheveleva mula sa Kazakhstan.
Naghirang din ng “continental winners” ang Miss Supermodel Worldwide contest—sina Rahel Zemen Gebremedhin mula Ethiopia para sa Africa, Kelly Baez mula Ecuador para sa Americas, Wangpor Jitrana Kengkanna mula Thailand para sa Asya, at Kelly Kangur mula Estonia para sa Europa.
Naghayag din ang patimpalak ng isa pang continental winner para sa “Russia,” si Kamilla Matyushklova mula sa Belarus.
Beterana na ng pageants si Rosales, na hinirang bilang first runner-up sa Miss Southeast Asia Ambassadress contest sa Kulala Lumpur, Malaysia, noong 2015. Sumali rin siya sa 2021 Binibining Pilipinas pageant.
Nagtapos ng tourism sa Malayan Colleges ang 26-taong-gulang na dilag mula Laguna. Nagpatuloy pa siya ng pag-aaral sa De La Salle-College of Saint Benilde.