Drilon naduwag kay Napoles, kaya subpoena ayaw pirmahan

SINUHULAN ba ang mga senador na bumoto sa impeachment trial kay dating Chief Justice Renato Corona? Reward ba yan? Incentive? o Christmas gift dahil Pasko ito dumating at hindi Mayo?

Ibinandera ng nandadamay na si Sen. Jinggoy ang P50 milyon pork galing kay Dating Senate finance committee chairman at ngayo’y Senate President Franklin Drilon na ipinangako daw noong caucus ng impeachment trial. Todo tanggi agad si Drilon sa kanyang “private and confidential letter” sa tinaguriang ”sexy” senator. Wala raw ganoon.

Pero, unang nagkumpirma si dating Senador Ping Lacson. Narinig daw niya ito nang sabihin ni Drilon sa caucus. May nagbiro pa raw na senador na kanya na lang daw yung kanyang share. .Pero hindi kumuha si Lacson. Sumunod na umamin si Sen. TG Guingona na tumanggap daw siya ng P50 milyong projects dakong Disyembre na , pero wala raw siyang binigyang NGO. Si dating Senate President Enrile , umamin din na meron siyang tinanggap na P50 milyong pork at ganoon din si Sen. Jinggoy , samantalang tahimik naman ang ibang senador.

Pero dakong huli, inamin ni Drilon ang P 50-M pork noong impeachment trial pero hinding-hindi raw ito suhol. Posible rin daw na sumulat siya noon kay Sen. Jinggoy Estrada pero para daw sa listahan ng mga projects nito.

Todo tanggi din si DBM Sec. Butch Abad at Malakanyang na hindi sinuhulan ang mga mambabatas noong impeachment trial. Expected talaga ang denial, pero kumpirmado ang tig P50 milyon sa mga senador. Tig-magkano naman kaya sa bawat congressman?

Mabigat talaga ang akusasyong ito, lalot nagsisilbi itong “direct bribery” sa mga mambabatas na kung lilitaw na may basbas ni PNoy , ay matuturing na “impeachable offense” o pwede siyang tanggalin sa pwesto. Siyempre, hindi mangyayari ito dahil hawak ng Aquino administration ang buong Kongreso. Pero, sa opinyon ng publiko, ito’y tahasang pagtalikod ni PNoy sa kanyang MATUWID NA DAAN kung totoo, lalot daan-daang milyong piso ng taxpayers money ang ipinamudmod sa mga Senatong at Tongressman.

Pero, hindi doon natatapos ang mga kwestyon. Me nagsasabing tumulong daw sa Palasyo si Janet Lim-Napoles sa pagkumbinsi sa mga mambabatas hindi lang sa May 2012 impeachment ni Corona kundi maging sa March 2011 impeachment ni Ombudsman Merceditas Gutierrez , RH vote at iba pa. Bagay na pinabulaanan ni Lacierda. Pero , may nagsasabi na karamihan daw ng mga pork barrel na ipinamahagi nitong 2012-2013 ay napunta rin sa mga NGO ni Napoles.

Kaya naman, tumaas ang kilay ng marami nang maghamon ang nandadamay na si Jinggoy na ilabas daw ang lahat ng record ng PDAF ng mga senador mula noong 12th Congress hanggang ngayon. Mabuti nga nang malaman ng publiko kung sinu-sinong Senador ang nakatanggap ng tig P50-M pork barrel na hindi raw suhol sa impeachment. At malaman din natin kung napunta rin ang “pork” sa iba pang bogus NGO na pareho rin ng operasyon at kalaban sa negosyo ni Napoles.

Nagtataka rin ako kung bakit ayaw pirmahan ni Drilon ang subpoena ng blue ribbon committee para humarap si Napoles.
Ginagamit niyang excuse lagi ang Ombudsman. Takot kaya siya at ang Malakanyang na maungkat ang maraming misteryo tulad ng pagsuko nito kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda? Ano ang koneksyon ni Napoles kay Exec. Sec. Ochoa at sa ibang Cabinet members o maging kay Drilon?

Hindi ba mas mainam na magkaalaman na lalot factfinding pa lamang ang kasong Plunder ni Napoles at tatlong Senador sa Ombudsman? At magkaharap sina Drilon at Napoles?

Actually, bastusan na ang nangyayari sa Senado, at palala ng palala. Pero, ang masakit pong tanggapin ay katotohanan na ang mga binoto nating Senador at ilang taga Malakanyang na magbabantay sana ng pera natin ang siya palang sumasalakay dito. Sa madaling salita , mga ipokritong nagmamalinis pero,mga gahaman pala sa pera at kapangyarihan. Nakakahiya kayo.

Para sa komento at tanong i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar, mensahe sa 09178052374.

Read more...