Mas komedyana pala si Charice kaysa kay Aiza Seguerra at napatunayan namin ito sa nakaraang “Power of Two” concert nila na ginanap sa Araneta Coliseum noong Sabado. Masyado kasing pormal magbiro si Aiza, yung patang mala-Vic Sotto.
Naisip namin baka ito ang namana niya kay Vic dahil nga ang TV host-comedian ang parati niyang nakakasama noon at technically, dito rin lumaki at nagkaisip ang singer-actress.
Samantalang si Charice ay ginagawa pang katatawanan ang sarili. Tuwang-tuwa kami kina Aiza at Charice dahil nagpapaliwanag ang una na kung talagang mahal mo ang isang tao, ipakita mo, ipaglaban mo, iparamdam mo at kung hindi talaga puwede, hayaan na, sabay example na, “Tulad naming dalawa (Charice) hindi talaga kami puwede.”
Sabay sabi ni Charice na biglang naging babae ang kilos, “Puwede rin naman, halika i-try natin (sabay kembot at lapit kay Aiza),” na tinakbuhan naman ni Aiza kaya tawanan ang tao.
At hindi nahihiya si Charice na sabihin at ipagsigawang, “Ang pogi-pogi ko ngayon, para akong si Sam Milby, ay Daniel Padilla rin.”
May portion na sinabi ni Aiza kay Charice na, “Nagpalit ka na naman ng damit? Sa tuwing lalabas ka ba, iba damit mo? Ano ‘yang nasa mata mo, contact lens?” Na sinagot naman ni Charice ng, “Oo, siyempre para maging guwapo ka, ito (contact lens) para mas gumuwapo ka,”
Sabay sabi ni Aiza ng, “Ako hindi ko na kailangan lahat ‘yan!” Kaya tawanan ulit ang mga tao. Actually, marami pa silang batuhan ng jokes bossing Ervin at talagang matatawa ka sa dalawang bulilit na singers.
Pero maski na maliliit silang mga tao, ang lalaki naman ng mga boses at ang gaganda pa, partida, super-paos pa si Aiza, pero naitawid niya ang mga matataas na kanta tulad ng “Wind Beneath My Wings” ni Bette Midler na alay niya sa kanyang mga mahal sa buhay lalo na sa kanyang girlfriend na panay ang focus sa camera.
Iba naman ang drama ni Charice dahil sinundo niya ang nagpapasaya sa buhay niya na si Alyssa Quijano patungong stage para sa dueto nilang “How Could An Angel Break My Heart” na feeling ng singer ay lumilipad-lipad sila sa langit.
Sabi nga ng katotong Rohn Romulo, “Charice, baliw na baliw sa pag-ibig.” Palibhasa bagets pa kaya siguro mas vocal si Charice sa kanyang nararamdaman at sinabi pa niya sa mikroponong, “I love you (Alyssa).
” Samantalang si Aiza naman ay idinadaan sa kanta ang gustong sabihin sa girlfriend niyang si Liza Dino na masayang-masaya ring nakaupo sa harap.
Pero anf tanong ng lahat bossing Ervin, sino ang mas matangkad, mas guwapo at mas magandang boses kina Aiza at Charice?
Konti lang ang taas ni Charice kay Aiza, mas maporma siyang manamit kaya malinis tingnan at dahil maputi, kaya mas guwapo, pero pagdating sa boses, mas buo ang boses ni Kute at mas may pusong kumanta.
Pero mas mataas at energetic ang boses ni Charice dahil kayang-kaya rin niyang makipagsabayan sa G Force. Sa madaling salita, pang-international ang packaging ni Charice, pang-local naman si Aiza. May nagsabi naman sa amin na,, “Kung Justin Bieber si Charice, Apl.de.Ap naman si Aiza.”
( Photo credit to Google )