SIYAM na reyna ang kinoronahan ng Mrs. Universe Philippines Foundation, at anim sa kanila ay lalahok sa Mrs. Universe pageant sa South Korea sa Disyembre.
Pinili ang mga reyna mula sa hanay ng 19 ginang na lumahok sa national pageant na nagtapos sa isang coronation night na itinanghal sa grand ballroom ng Okada Manila sa Parañaque City noong Okt. 2, at natapos madaling-araw na ng Okt. 3.
Napunta ang pangunahing titulong Mrs. Universe Philippines kay Veronica Yu mula sa Quezon City, habang Mrs. Universe Philippines FDN-North Pacific Asia si Gines Angeles mula sa Nueva Ecija, at Mrs. Universe Philippines FDN-Northeast Asia naman si Lady Chatterly Sumbeling mula sa Pangasinan.
Hinirang bilang Mrs. Universe Philippines FDN-West Pacific Asia si Jeannie Jarina mula sa Valenzuela City, Mrs. Universe Philippines FDN-Pacific Continental si Jessa Macaraig mula sa Bulacan, at Mrs. Philippines Universe FDN-Continental Asia naman si Michelle Solinap mula sa Iloilo.
Silang anim sasali sa 2022 Mrs. Universe Ltd. pageant sa South Korea sa Disyembre na lalahukan ng mahigit 100 kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Itatanghal ito ng organizer mula Bulgaria na tinatag noong 2007. Iba pa ito sa isang contest na may katulad na pangalan, ang Mrs. Universe (Official) pageant, na mula naman sa isang organizer sa Australia at magtatanghal ng una nilang pageant sa Disyembre rin.
May tatlong reyna pang konoronahan sa pagtatapos ng pambansang patimpalak—sina Mrs. Universe Philippines FDN-Luzon Anita Gutierrez ng Pampanga, Mrs. Universe Philippines FDN-Visayas Betchay De Dios ng Cotabato City, at Mrs. Universe Philippines FDN-Mindanao Virginia Evangelista ng Cagayan Valley-.
First runner-up naman si Margie Aquino ng Pagadian City, second runner-up si Mar Vargas ng Laguna, at third runner-up si Malou Rustia ng Mandaluyong City.
Inorganisa ang pambansang patimpalak ng singer-entrepreneur na si Maria Charo Calalo, Mrs. Universe Philippines FDN national director at siya ring Mrs. Universe Philippines titleholder ng 2019/2020.
Ibinahagi rin sa palatuntunan na sa Pilipinas itatanghal ang 2023 Mrs. Universe pageant na inaasahang lalahukan ng mahigit 100 kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo.