ISA ang national costume competition sa mga pinakainaabangan sa mga pageant, dahil sa pagpapamalas ng iba’t ibang kultura, at pagsabog ng kulay at pagkamalikhain.
Ngunit inangat pa ito ng Misters of Filipinas contest sa pagpapaigting pa sa diwa ng kapistahan para sa taunang paligsahan.
Sa halip na magsagawa ng isang national costume competition para sa ika-siyam nitong edisyon ngayong taon, itinanghal ng Misters of Filipinas pageant ang tinawag nitong “Festival Kings” program kung saan may kani-kaniyang bitbit na pangkat ang mga kalahok ng 2022, at nagtanghal ng kani-kanilang sayaw.
Sinabi ng organizer na Prime Event Productions Philippines (PEPPS) Foundation Inc. na “most extravagant showcase of Filipino costume designers, local dancers, heritage, traditions, national tourism, and most celebrated festivals” ang programang ginawa sa Tanghalang Pasigueño sa Pasig City noong Oct. 1.
Dinagdag pa ng organizer na “biggest and the most visually extravagant costume show of the country’s premier male pageant” ang pasabog nila noong Sabado, na itinuring na unang edisyon ng Festival Kings, at inaasahang magiging regular nang aktibidad ng taunang Misters of Filipinas pageant.
Sinabi ni PEPPS President Carlo Morris Galang sa Inquirer sa isang naunang panayam na nais i-“level-up” ng Misters of Filipinas pageant ang national costume competition sa pamamagitan ng pagpapakita ng “something different, something new.”
Hinirang din sa Festival Kings program ang top 10 top delegates sa national costume mula sa hanay ng 35 kinatawan mula sa iba’t ibang panig ng bansa at mga pamayanang Pilipino sa ibayong-dagat:
- Isaac Jonathan Barlao, City of Santa Rosa
- Zach Pracale, Laguna
- Mark Joseph Cruz, Parañaque City
- Gerald Fullante, Camarines Sur
- James Reggie Vidal, Ormoc City
- Pedro Red, Nueva Ecija
- Chris Martinez, Municipality of Santa Cruz
- Joel Enriquez Alejandro, Malolos, Bulacan
- Vincent Rinon, Pulong Santa Cruz, Santa Rosa
- Kenneth Cruz, Pampanga
Hihirangin ng 2022 Misters of Filipinas pageant ang mga magiging kinatawan ng Pilipinas sa anim na international competitions—ang homegrown na Man of the World competition ng PEPPS din, ang Mister Model Worldwide, Man Hot Star International, Fitness Model World, at Mister Super Globe pageants.
Itatanghal ang 2022 Misters of Filipinas grand coronation night sa Newport Performing Arts Theater ng Newport World Resorts sa Pasay City sa Okt. 16.