Melai, Jhong, ex-PBB housemates mananakot sa ‘The Chosen One: Ang Piliserye ng Bayan’

Melai Cantiveros, Jhong Hilario at ang cast members ng ‘The Chosen One’

MAS mabubusog ang viewers ng PIE (Pinoy Interactive Entertainment) Channel sa mga inihandang bagong programa para sa ikaapat na monthsary nito kabilang na ang isang hybrid narrative-reality show hosted by Melai Cantiveros.

Sa “The Chosen One: Ang Piliserye ng Bayan”, nasa kamay ng PIE viewers ang kapalaran ng mga karakter sa kuwento dahil sila ang magpapasya kung sino ang mabubuhay o matsutsugi sa pamamagitan ng botohan.

Sabi ng director at cinematographer na si Topel Lee, mala-“choose your own adventure” ang istilo ng “The Chosen One” kaya ito tinawag na “piliserye.”

“You (manonood) get to play God sa ‘piliserye.’ Ikaw ang magde-decide kung saan pupunta ang kuwento. Fresh ito for this type of programming sa PIE Channel,” paliwanag ng direktor.

Sa mga boboto, limang masuwerteng Philippine-based voters ang mananalo ng P1,000 kada linggo na mapipili via randomizer.


Para sa pilot ng “The Chosen One” ay tampok ang suspense thriller series na “Soap Opera” na susundan ang kuwento ni Charlie (Kaila Estrada), isang dalagang sasabak sa isang networking group na Astra Nuevo kung saan bossing niya si Miss Jane (Melai).

Sa Astra Nuevo, makikilala ni Charlie ang 10 taong tulad niya ay nangangarap ding makaahon sa hirap.

Pero imbes na ginhawa, malalagay sa alanganin ang kanilang mga buhay. Magsisilbing players o ang mga karakter na pagbobotohan ng PIE viewers naman ang dating “PBB” housemates na sina Andi Abaya (Rachel), Amanda Zamora (Julie), Dustin Mayores (Jason), Gabb  Skribikin (Cheska), Kobie Brown (Peter), Luke Alford (Kiko), Maxine Trinidad (Emma), Rob Blackburn (Joe), Seham Daghlas (Paula), at Zach Guerrero (Mike).

Bukod kay Kaila na isang non-player sa “Soap Opera”, makakasama rin niya bilang non-players ang dating “PBB Otso” housemate na si Emjay Savilla at ang film and theater actress and host na si Sunshine Teodoro. Mapapanood ito tuwing Sabado, 8-10 p.m..

Magpapalabas ang “The Chosen One” ng live episodes ng “Soap Opera” at pagkatapos nito, magbibigay ng komento ang “chosen mentor” na si Jhong Hilario.

Malalaman din ng viewers ang standing ng bawat player base sa audience votes. Sa unang episode ng Soap Opera noong Sabado (Setyembre 24), nagkakilala na sina Charlie at ang 10 kabataan na gustong maging negosyante sa ginawang orientation day ng Astra Nuevo na pinangunahan ni Miss Jane.

Natagpuan din ni Charlie ang katawan ng security guard ng Astra Nuevo na misteryosong pinaslang. Magiging kaabang-abang ang susunod na episode ngayong Sabado (Oktubre 1) dahil malalaman na kung sino sa 10 players ang may pinakamaraming ligtas votes at kung sino naman ang dalawang players na delikadong matsugi.

Kuwento ni Melai, sa ipinalabas na primer ng show, ibang klaseng Melai raw ang mapapanood ng viewers sa “The Chosen One.”

“First time ko na ganitong istorya. Kasi ako naman nagho-horror, pero may sundot na comedy. Dito parang may pagka-serious talaga,” saad nito.

Pinuri rin ni Melai ang katrabaho niyang si Jhong sa ginanap na mediacon.

“Sobrang honored ako na kasama ko si Kuys Jhong. Talagang magkakaroon kami ng tawanan and banters. Sobrang happy din ako kasi yan ang sample king,” aniya.

Samantala, nagpasalamat naman si Jhong na siya ang napiling “chosen mentor” at nagbahagi kung anong gusto niyang makita mula sa mga player sa ipinalabas na primer ng show.

“Siyempre dahil suspense thriller itong piliserye natin, gusto kong matakot sa acting nila.

“Gusto kong tumayo ‘yung mga balahibo ko dahil alam ko kapag natakot ako, ‘yung mga manonood sa kanila, matatakot din,” sabi ni Jhong.

Itinuturing naman ni Kaila na isang “challenge” ang proyektong “The Chosen One” dahil ito ang una niyang thriller series.

Sabi niya, “Challenge ito because first time ko gumawa ng show na thriller ‘yung theme. I keep in my mind na I want to give it the best performance that I can give, something that even I would want to watch.”

Sino kaya ang matitirang buhay at magiging “The Chosen One”? Abangan tuwing Sabado, alas-8 ng gabi sa PIE Channel.

Ang PIE ay collab ng ABS-CBN, Kroma Entertainment, BEAM, at 917Ventures.

https://bandera.inquirer.net/292265/bakit-sina-maymay-at-melai-ang-paboritong-pbb-housemates-ni-robi
https://bandera.inquirer.net/307456/melai-tinawag-na-bobo-dahil-kay-leni-robredo-nakipagtalakan-sa-tagasuporta-ni-bongbong-marcos
https://bandera.inquirer.net/322432/melai-cantiveros-naloka-nang-makita-ang-bill-ng-kuryente-kim-chiu-super-proud-kay-xian-lim

Read more...