SA wakas, natupad na rin ang matagal nang hinihiling ng Kapuso Primetime Princess na si Barbie Forteza sa kanyang showbiz career.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang dalaga na nakasama niya ang dalawa sa maituturing na superstar sa GMA Network — yan ay walang iba kundi ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo at ang Asia’s Limitless Star na si Julie Anne San Jose.
Matagal na raw pinapangarap ni Barbie ang makatrabaho sina Julie at Dennis at tinupad nga ito ng mga bossing ng Kapuso station sa pamamagitan ng historical portal fantasy series na “Maria Clara at Ibarra” na mapapanood na simula sa October 3.
Chika ni Barbie, malaking tulong na super close na sila ni Julie Anne nang sumabak na sila sa lock-in taping ng “Maria Clara at Ibarra.”
“Malaking bagay talaga na mayroon akong kaibigan, matagal nang kaibigan na katrabaho sa set kasi iba rin naman talaga ‘yung pakiramdam na homesick ka, ‘yung isang buwang kang nasa lock-in,” lahad ng dalaga sa mediacon ng naturang serye.
Dagdag pa ng dalaga, “At siyempre, iba pa rin talaga makatrabaho ang idol mo, si Mr. Dennis Trillo, considering na he’s the Kapuso Drama King, he’s very humble, he’s very professional.”
Sa panayam naman ng “24 Oras”, inamin nina Barbie at Dennis na matitinding challenges ang pinagdaanan nila habang ginagawa ang “Maria Clara at Ibarra” lalo na sa pagde-deliver ng kanilang mga dialogue.
Chika ni Barbie, “Talagang mabusisi, and very metikuloso sila. We even have a historian na consultant namin kasi siyempre, hindi naman ‘to basta ganito lang, lahat ‘to pinag-aralan.”
”Yung tupi nitong panwelo, aral ‘yan. Ang gamit ng pamaypay sa pag-converse, kasi ‘di ba ang mga babae dati mahinhin lang, ‘di ba?” aniya pa.
Naikuwento naman ni Dennis ang mga kalamidad na naranasan nila habang nasa lock-in taping na isa pa sa mga pinroblema ng produksyon.
“Marami kaming na-experience rito na kalamidad, e. Bagyo, lindol, inabutan kami ng lindol sa Ilocos habang nagsu-shoot kami. Madaling araw, nandoon kami sa gitna ng Calle Crisologo, mayroon kaming kukunan na mahabang eksena kaso lang biglang lumindol,” pagbabahagi ng aktor.
Samantala, relate na relate naman si Barbie sa karakter niyang Klay sa serye, “Isa sa mga ikinatuwa ko talaga is habang binabasa ko ‘yung script, very Barbie siya talaga. As in ‘yung mindset ni Klay, the way siya makipag-usap, the way na i-handle niya ‘yung sarili niya, very Barbie.
“Sobrang interesting noong concept kasi hindi siya straight period na ano, it will be very interesting especially to the kids na makakapanood kasi may Gen Z take ka.
“Matututunan mo ang nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo through the eyes of a Gen Z woman,” sey ng Kapuso Primetime Princess.
Dagdag pa niya, “It will be very interesting. Magkakaroon ng portal fantasy. Ang daming factors kaya mas flavorful yung story and mas exciting panoorin.
“Siyempre nandoon yung element of love na talagang inaabangan natin sa GMA Telebabad. After a whole day of hard work, gusto mo namang makapanood ng nakakakilig, gusto mong makapanood ng nakakatuwa so ‘yun ‘yung ibibigay natin sa atin mga Kapuso,” sey pa Barbie.
Makakasama rin sa “Maria Clara at Ibarra” sina Tirso Cruz III, Manilyn Reynes, Juan Rodrigo, Rocco Nacino, David Licauco, Juancho Trivino, Ces Quesada, Dennis Padilla, Lou Veloso, Gilleth Sandico, Karenina Haniel at Andrea Torres.
Mapapanood na ang world premiere ng “Maria Clara at Ibarra” sa October 3 sa GMA Telebabad pagkatapos ng “24 Oras.”
https://bandera.inquirer.net/325059/dennis-trillo-sa-pagganap-bilang-crisostomo-ibarra-sobrang-bigat-kaya-parang-hindi-ka-puwedeng-magkamali
https://bandera.inquirer.net/318217/dennis-julie-anne-barbie-bibida-sa-historical-portal-fantasy-na-maria-clara-at-ibarra-jo-berry-pa-cute-na-kontrabida
https://bandera.inquirer.net/323811/julie-anne-barbie-bubuhayin-ang-alaala-ni-jose-rizal-idol-philippines-talbog-ng-running-man-ph-sa-ratings-game
https://bandera.inquirer.net/316470/jennylyn-mercado-dennis-trillo-ipinasilip-na-sa-publiko-ang-mukha-ni-baby-dylan