Manhunt International president sinabing ‘not a pageant’ ang kanilang contest

Manhunt International Paul Luzineau poses with aspirants

Kasama ni Manhunt International Paul Luzineau (harap, may pulang sash) ang 34 kalahok na naghahangad na maging tagapagmana niya./ARMIN P. ADINA

PARA sa ika-21 edisyon ng Manhunt International na isinasagawa ngayong taon, nakasulat sa mga anunsyo ang pangalan ng patimpalak bilang “Manhunt International Male Supermodel 2022” na hindi naman ginawa noong mga nagdaang taon.

Sinabi ni Manhunt International Executive President Rosko Dickinson na inaasahan na ang paglihis sa “fashion and modeling” ng pandaigdigang patimpalak dahil sa naging direksyon nito at ng mga nagwagi mula pa noong itinatag ito noong 1993.

“We don’t want to portray ourselves as a bodybuilding contest or a sports contest. We’re not a pageant either. We’re a modeling contest and we’re embracing the modeling industry,” sinabi niya sa Inquirer sa press presentation ng mga kandidato sa Okada Manila sa Parañaque City noong Set. 26.

Manhunt Philippines Joshua de Sequera/ARMIN P. ADINA

Tinukoy din ni Dickinson na naging mga modelo sa kani-kanilang bansa ang marami sa mga nagawagi at mga kalahok, ang iba pa nga napasok ang international fashion scene.

Ang pinakamalaking pahiwatig ng paglihis mula pageantry papunta sa modeling ang kawalan ng isang national costume competition ngayong taon, isang paligsahang isinasagawa sa halos lahat ng international pageants. “We’re going to introduce this year ‘high fashion,’ glam high fashion,” pahayag ni Dickinson.

Para sa 2022, magtatagisan ang mga kalahok sa swimwear, tuxedo, at high fashion.

Ito ang ikatlong pagkakataon na sa Pilipinas itatanghal ang Manhunt International. Una itong ginawa sa bansa noong 1999, at muli noong Pebrero 2020 bago pa tumigil ang mundo dahil sa pandemyang bunga ng COVID-19.

Kasama ni Manhunt International Executive President Rosko Dickinson (nakaupo, kaliwa) ang kasalukuyang winner na si Paul Luzineau ng Netherlands (nakaupo, kanan) sa presentation ng 2022 contestants./ARMIN P. ADINA

May 34 kalahok ang 2022 Manhunt International, lahat naghahangad na maging tagapagmana ni Paul Luzineau ng Netherlands na nagwagi sa Pilipinas sa ika-20 edisyon ng patimpalak na itinanghal din sa Pilipinas noong 2020. Ibabandera ang Pilipinas ng modelo at atletang si Joshua De Sequera, anak ng PIlipinag supermodel at beauty queen na si Marina Benipayo.

Si June Macasaet ang una at natatanging Pilipinong nagwagi bilang Manhunt International. Dinaig niya ang 52 iba pang kalahok sa patimpalak sa Bangkok noong 2012. Siya rin ang pinakamatagal na humawak sa titulo sapagkat walang nangyaring contest mula 2013 hanggang 2015.

Itatanghal ang 2022 Manhunt International Male Supermodel final competition sa grand ballroom ng Okada Manila sa Okt. 1

Read more...