IGINIIT ni Mister Global Philippines Mark Avendaño na ipakikita niya ang “competitiveness” ng mga Pilipino kapag iwinagayway na niya ang bandera ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado.
“Sometimes we become a laughingstock in other countries. But I want them to know that we’re not really like that. I’m very competitive, that we will prevail in everything that we do,” sinabi niya sa Inquirer sa isang “sashing ceremony” sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City kamakailan, kung saan opisyal na ginawaran ng Mister International Philippines (MIPH) organization ng national titles ang apat na runners-up at isang finalist.
Hinirang si Avendaño bilang first runner-up sa MIPH nitong Hunyo, ngunit ipinagbigay-alam na noong finals na sasabak din siya sa isang pandaigdigang patimpalak. At noon pa lang pinasok niya ang kumpetisyon, hinanda na niya ang sarili sa kung anuman ang kahihinatnan ng contest, sinabi ng Marketing Management student ng San Beda University.
Nang tanungin siya ng Inquirer kung paano makatutulong ang mga pinag-aralan niya sa paghahanda niya sa Mister Global, sinabi niyang, “I think I would say the ‘SWOT analysis.’ I have to know my strengths, weaknesses, opportunities, and strengths.”
Batid niyang napakarami pa niyang dapat gawin sapagkat marami sa mga makakalaban niya ang mas handa sa kanya. “I’m gonna use all of this to prepare myself for the international pageant,” aniya.
Maliban sa kanya, apat na ginoo pa ang ginawaran ng mga titulo ng MIPH—sina second runner-up Michael Ver Comaling bilang Mister National Universe Philippines, third runner-up Kitt Cortez bilang Mister Tourism International Philippines, fourth runner-up Andre Cue bilang Caballero Universal Filipinas, at finalist John Ernest Tanting bilang Mister Beauté Internationale Philippines.
Si Mister International Philippines Myron Jude Ordillano ang unang sasalang mula sa “Team Philippines.” Sasabak siya sa ika-14 edisyon ng Bangkok-based na Mister International pageant, na itatanghal sa Pilipinas sa susunod na buwan.
Wala pang petsa at venue ang international pageant na sasalihan ni Avendaño.