Maricel sumabak sa pa-acting challenge ni Vice, gayang-gaya sina Nora, Vilma at Dolphy; winner sa ‘Banayad Whiskey’

Maricel Soriano at Vice Ganda

KUMASA sa bonggang acting challenge ang nag-iisang Diamond Star na si Maricel Soriano na pakana ni Vice Ganda.

Game na game na ginawa ng award-winning veteran actress ang mga napiling eksena ng kanyang anak-anakan mula sa mga classic Pinoy movies.

Sa kanyang YouTube vlog, hinamon ng Phenomenal Box-office Star si Maricel na gayahin at iarte muli ang ilang iconic scenes ng mga kilalang artista na nagmarka sa mga manonood.

Unang ipinakita ng “It’s Showtime!” host ang classic movie ng Superstar at National Artist na si Nora Aunor, ang “Himala”.

In fairness, pinatunayan ni Maricel na kayang-kaya niyang bigyan ng hustisya ang nasabing eksena kaya naman super clap si Vice na halatang na-shock din sa acting ng Diamond Star.

“Grabe naman ‘yung mata mo. Ano ‘yung iniisip mo? Ang galing no. Parang sinapian agad. Ganyan ‘yung pang-Hollywood. Hindi naman sila luha nang luha,” hirit ng TV host at comedian.

Gets na gets din ni Maria ang akting ng Star for All Seasons na si Vilma Santos sa madramang confrontation nito kasama si Claudine Barretto sa blockbuster movie na “Anak.”


Shookt muli si Vice sa napakahusay na performance ng premyadong aktres at sinabi pa nito na talagang nagsa-shine ang mga mata ni Maricel sa bawat bitaw ng dialogue. 

Kasunod nito, dahil magaling din sa comedy ang aktres ay ipinagaya rin ni Vice sa kanya ang ilang eksena sa mga comedy movie.

Unang pinagaya ni Vice ang isa sa kanyang role sa Star Cinena movie niyang “Girl, Boy, Bakla, Tomboy” kung saan nakasama rin niya si Maria.

Sa nasabing eksena, ginaya ni Maricel ang sosyalera at maarteng pagkain ni Girlie (Vice) ng isaw kasama si Harry (Ejay Falcon). Tawa nang tawa si Vice sa galing ng aktres habang ginagaya siya.

Pero ang talagang winner sa ginawa ni Maricel ay nang gayahin na niya ang classic na eksena ng Comedy King na si Dolphy sa pelikula nitong “Father And Son” noong 1995.

Ito yung nakakalokang “Banayad Whiskey commercial” kung saan nalasing si Mang Dolphy habang  ibinibida ang ineendorsong alak dahil sa ilang ulit na take ng direktor. 

In fairness uli, kuhang-kuha rin ni Maricel pati ang akting ng kanyang tatay-tatayan sa showbiz na ikinahagalpak din ni Vice.

Samantala, ibinalita rin ni Maricel na may gagawin siyang bagong teleserye sa ABS-CBN at magsisimula na ang kanilang taping very, very soon.

https://bandera.inquirer.net/312492/maricel-naiisip-na-ring-mag-retire-sa-showbiz-pero-hindi-ko-siya-pwedeng-talikuran
https://bandera.inquirer.net/286355/maricel-pinatunayang-hindi-umaasa-si-meryll-sa-kayamanan-ni-willie
https://bandera.inquirer.net/279439/maricel-sa-cast-ng-ang-sa-iyo-ay-akin-sa-totoong-buhay-hindi-kami-nagbabangayan-nagmamahalan-kami
https://bandera.inquirer.net/307748/sharon-cuneta-naimbyerna-kay-panelo-sa-pagkanta-ng-sanay-wala-nang-wakas-you-dont-mess-with-a-classic

Read more...