KASABIHAN na ng mga Filipino na kapag umulan sa isang kasalan, may hatid itong biyaya para sa mag-asawa.
Ganito rin ang nararamdamang pahiwatig ng pag-ulan para sa mga reyna ng Binibining Pilipinas pageant na sasabak sa kani-kanilang international competitions sa Oktubre.
Isang maulang hapon ang sumalubong kina Bb. Pilipinas Intercontinental Gabrielle Basiano, Bb. Pilipinas Globe Chelsea Fernandez, at Bb. Pilipinas Grand International Roberta Tamondong nang idaos ang send-off party nila sa Novotel Manila Araneta City ngayong Set. 19.
Unang sasabak si Bb. Pilipinas Intercontinental Gabrielle Basiano, na first runner-up noong 2021, na umaasang masususngkit din ang international crown ng kaniyang national predecessor.
Tutulak siya sa Egypt para sa Miss Intercontinental pageant, king saan nagrereyna si Bb. Pilipinas Cinderella Faye Obeñita. Itatanghal ang finals sa Okt. 14 (Okt. 15 sa Maynila).
Isang araw makaraan ang patimpalak ni Basiano, ipagtatanggol naman ni Bb. Pilipinas Globe Chelsea Fernandez para sa Pilipinas ang korona ng Miss Globe na nakaputong sa ulo ng national pageant predecessor niyang si Maureen Montagne.
Itatanghal ang 2022 Miss Globe pageant sa Albania sa Okt. 15 (Okt. 16 sa Maynila), at bibitbitin ni Fernandez foon ang malawak niyang karanasan sa national pageant scene, sapagkat ilang korona na ang napanalunan niya sa iba’t ibang nationwide competitions maluban pa sa Bb. Pilipinas pageant.
Hindi man back-to-back ang aasintahin ni Bb. Pilipinas Grand International Roberta Tamondong, mabigat pa rin ang misyon niya.
Wala pang Pilipinang nagwawagi sa Miss Grand International pageant, at umaasa ang tinedyer na maging unang kinatawan ng Pilipinas na makapag-uuwi ng “golden crown.”
Beteranang kontesera na ang teen beauty, at hindi na bago sa kanya ang maibigay sa Pilipinas ang una nitong panalo sa isang international pageant.
Noong 2020, habang binubuno ng mundo ang pandemyang bunga ng COVID-19, nasungkit ni Tamondong ang titulong Miss Eco Teen International, at siya ang unang Pilipinang nakagawa nito.
Itatanghal ang 2022 Miss Grand International pageant sa Indonesia sa Okt. 25.
Nangako naman ang tatlo na ibubuhos ang lahat ng makakaya upang mapasaya ang pinakamisgasig na pageant fans sa mundo.
Nasa likod naman nila ang Bb. Pilipinas Charities Inc., ang pinakamatagumpay na national pageant organization sa Pilipinas, na may international titleholders, maraming runners-up, at dose-dosenang semifinalists mula sa mga mahahalagang patimpalak sa mundo.