SUMUKO ang TV host-comedian na si Vhong Navarro sa tanggapan ng National Bureau of Investigation ngayong araw.
Ito’y matapos maglabas ang branch 116 ng Metropolitan Trial Court sa Taguig City ng arrest warrant laban kay Vhong kaugnay ng kasong acts of lasciviousness na isinampa ng model-stylist na si Deniece Cornejo noong 2014.
Ayon kay Judge Angela Din ng Metropolitan Trial Court ng Taguig City, may nakitang probable cause “to hold Navarro for trial for acts of lasciviousness” base nga sa isa sa mga reklamong isinampa ni Deniece ilang taon na ang nakararaan.
Inirekomenda ng korte na magbayad si Vhong ng piyansang P36,000.
Sa panayam ng DZBB kay Atty. Alma Mallonga, ang legal counsel ni Vhong, sinabi nitong confident siya na mapapalaya ang komedyante “as soon as possible.”
“Palagay ko hindi naman magkakaroon ng problema dahil kumpleto ang mga prerequisite.
“We are going to comply with it within the day. We are confident that Mr. Navarro will be granted bail,” sabi pa ng abogado.
Matatandaang, ni-reverse ng 14th Division ng Court of Appeals ang desisyon Department of Justice noong 2018 at 2020 na i-dismiss ang mga kasong rape at acts of lasciviousness na isinampa ni Deniece laban kay Vhong.
Inutusan ng CA ang Taguig court na sampahan uli ng kasong rape si Vhong.
Ayon sa abogado ni Vhong, maghahain sila ng “reconsideration” sa pagpapalabas ng arrest warrant laban sa aktor pero sa ngayon kinailangan muna nitong sumuko sa NBI.
“Mr. Navarro reiterates that he is the victim of the crimes of Serious Illegal Detention and Grave Coercion,” ani Mallonga.
“Mr. Navarro is a very optimistic and prayerful person, fortunately, he has the support of his family and friends. Ang gusto nya magpasaya ng mga tao, so he is trying to overcome this.
“He knows he is innocent. He knows there are people who continue to believe in him. So, even if this is very disturbing, hindi ko naman pwede sabihin hindi sya naaapektuhan,” sabi ni Atty. Alma Mallonga.
Sa isang panayam, naalarma raw talaga ang komedyante matapos ipag-utos ng CA na kasuhan uli siya ng panggagahasa.
“Ever since na nagsimula ‘to, nagsabi ako ng katotohanan. Hindi ako nagsinungaling. Consistent ako dun sa mga affidavit namin. Kumbaga lahat kinwento ko du’n.
‘Di ba paulit-ulit kong sinasabi, ang pagkakasala ko, ang kasalanan ko rito ay ‘yung niloko ko ‘yung girlfriend ko noon at ito na ‘yung wife ko noon,” ani Vhong.
Samantala, ang rape case na isinampa laban kay Vhong ay pending pa rin sa Taguig Regional Trial Court Branch 69, at wala pang imiisyu na arrest warrant.
https://bandera.inquirer.net/322971/vhong-navarro-sinampahan-ng-kasong-rape-sa-taguig-komedyante-nag-react-alam-ng-panginoon-na-nagsasabi-ako-ng-totoo
https://bandera.inquirer.net/297790/enchong-dee-dedma-pa-rin-sa-p1-billion-cyberlibel-case-na-isinampa-ni-claudine-bautista
https://bandera.inquirer.net/304455/enchong-dee-kusang-sumuko-sa-nbi-para-sa-p1-b-cyberlibel-case
https://bandera.inquirer.net/304567/kampo-ni-enchong-dee-umalma-sa-balitang-nagtatago-ang-aktor-para-makaiwas-sa-warrant-of-arrest