ANG bongga ng naisip na gimik ng mga barangay official sa isang lugar sa Tanza, Cavite para makaiwas ang mga residente roon sa sakit na dengue.
Viral ngayon sa social media ang kakaibang paraan na ipinatutupad ngayon ni Brgy. Captain Pedro Aricayos sa Sanja Mayor para mapigilan ang dengue outbreak.
Kamakailan lamang ay inilunsad nga roon ang kampanyang “Isang plato ng lamok, kapalit ang isang kilong bigas”.
Mababasa ang detalye ng mechanics para sa nasabing kampanya laban sa dengue sa Balitang Tanzeño Facebook page.
Ang naturang challenge, ayon sa barangay official, ay base sa paraan na itinuro ng mga nakatatanda sa ating mga ninuno.
Dito, gagamitin ang isang paper o plastic plate na pinahiran ng mantika o langis at iwawasiwas paradokn dumikit ang mga nagliliparang lamok na posibleng carrier ng dengue.
“Siguro po ay natatandaan niyo pa rin yung kabataan ninyo na ang ating mga magulang ay may ganyang style,” ayon kay Aricayos sa isang panayam.
Dagdag pa niya, “Isang plato na lalagyan ng oil, iwawasiwas sa may maraming lamok at talaga naman pong nakakahuli.”
Aniya pa, dapat daw marami-rami ang mahuling lamok para makuha ang premyong isang kilong bigas, “Kailangan po naman na kahit paano ay makitang marami ang nahuling lamok.”
Makikita sa Facebook account ng Balitang Tanzeño ang mga litrato ng ilang residente kung saan ipinakita kung gaano karami ang nahuli nilang lamok sa plato na ipagpapalit nila sa isang kilong bigas.
Ayon sa ulat, dinala ng mga tagaroon ang mga plato ng lamok sa barangay health center sa Sanja Mayor. Naglaan ng 10 kabang bigas ang barangay para sa kampanyang ito.
Nagsimula ang nasabing proyekto noong September 8, at magtatapos sa September 30 matapos isailalim sa state of calamity ang bayan ng Tanza dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue.
Bukod sa pamimigay ng bigas kapalit ng mahuhuling lamok, may iba pang proyekto ang local government ng Tanza para makontrol ang dengue outbreak sa kanilang lugar.
Isa na rito ang house-to-house drive na “Oplan Katok, Lamok Tepok” kung saan nag-iikot ang mga barangay officials at healthcare workers para turuan ang mga residente sa tamang paraan ng pagpatay ng lamok.
https://bandera.inquirer.net/323251/anak-nina-danica-sotto-at-marc-pingris-nadale-ng-dengue-thank-you-jesus-for-healing-caela
https://bandera.inquirer.net/303280/korina-tatapusin-na-ang-mga-bayarang-trolls-hiyain-muna-natin-nang-todo-bago-ipakulong
https://bandera.inquirer.net/294916/gary-valenciano-naospital-dahil-sa-sakit-na-dengue
https://bandera.inquirer.net/280947/3172-residente-ng-pandi-bulacan-nakatanggap-ng-ayuda-mula-kay-bong-go