Bb. Pilipinas International Nicole Borromeo may tanong sa Q&A na hindi bet

Bb. Pilipinas International Nicole Borromeo

Bb. Pilipinas International Nicole Borromeo/ARMIN P. ADINA

MANILA, Philippines—Minsan pinapili si Binibining Pilipinas Nicole Borromeo kung nanaisin ba niyang maging “smart” o maging “beautiful,” at inamin niyang napaisip siya kung paano sasabihin sa nagtanong ang sagot na nilalaman ng puso niya.

“I just was not a fan of that question. Because I think it’s a question that puts people in boxes, having to decide whether to be beautiful or smart,” sinabi niya sa Inquirer sa isang panayam sa Owner’s Circle sa Araneta City sa Quezon City makaraan na niyang masungkit ang kaniyang korona sa coronation night nitong Hulyo.

“I just don’t see any other way of answering that, except for ‘both.’ Everybody is both smart and beautiful in their own ways,” pagpapatuloy pa ng interior design student mula Cebu City.

Bb. Pilipinas International Nicole Borromeo/ARMIN P. ADINA

Nasungkit ni Borromeo ang titulo niya sa edisyon ng Bb. Pilipinas ngayong taon, ngunit sa susunod na taon pa siya sasabak sa kaniyang international pageant.

Hindi pa kasi nakakalaban ang predecessor niyang si Hannah Arnold, na nakatakdang kumatawan sa ika-60 edisyon ng Miss International pageant na ilang ulit nang isinantabi dahil sa pandemyang bunga ng COVID-19.

Sa ngayon, nakatakdang itanghal ang Miss International pageant sa Japan sa darating na Disyembre.

Samantala, sa susunod na buwan na lalaban ang mga reynang nakasabay ni Borromeo na makoronahan. Back-to-back na panalo para sa bansa ang target nina Bb. Pilipinas Intercontinental Gabrielle Basiano at Bb. Pilipinas Globe Chelsea Fernandez, habang tatangkain naman ni Bb. Pilipinas Grand International Roberta Tamondong na maging unang Pilipinag makasusungkit sa “golden crown.”

Kumakaway sina (mula kaliwa) 2nd runner-up Stacey Gabriel, Bb. Pilipinas Grand International Roberta Tamondong, Bb. Pilipinas International Nicole Borromeo, Bb. Pilipinas Intercontinental Gabrielle Basiano, Bb. Pilipinas Globe Chelsea Fernandez, at 1st runner-up Herlene Budol./ARMIN P. ADINA

Tutulak si Basiano sa Egypt para sa Miss Intercontinental pageant sa Okt. 14 (Okt. 15 sa Maynila). Kasalukuyang reyna si Cinderella Faye Obeñita sa naturang patimpalak. Sa Albania naman lilipad si Fernandez para sa Miss Globe contest sa Okt. 15 (Okt. 16 sa Maynila). Si Maureen Montagne naman ang reigning queen doon.

Itatanghal naman sa Indonesia sa Okt. 25 ang ika-10 edisyon ng Miss Grand International pageant kung saan makikipagtagisan ng ganda at galing si Tamondong.

Magsasagawa ang Bb. Pilipinas Charities Inc. ng isang “send-off ceremony” para kina Basiano, Fernandez, at Tamondong sa Novotel Manila Araneta City sa Set. 19. Mapapanood ito sa Bb. Pilipinas official Facebook page simula alas-3 ng hapon.

Read more...