NAKATSIKAHAN namin ang isang TV director tungkol sa aktres na nakailang projects na pero hirap na hirap pa ring umarte dahil hindi nito makuha ang tamang emosyon lalo na sa eksenang malungkot at galit.
Ini-imagine namin ang aktres at napansin nga namin ito sa ilang project na nagawa na niya na hindi rin namin maintindihan kung bakit lagi siyang kasama sa shows.
“Sa storycon iba ang binanggit ko na mag-lead, pero sabi naman ni ____ (producer) si ____ (aktres) siya na lang, e, wala na kaming magawa ng team ko kasi producer na ang may sabi.
“For me lang gusto kong i-workshop sana, kaso walang enough time kasi binibigyan kami ng playdate, e, kung isasama ko sa mga araw ‘yung workshops hindi kakayanin, kasi talagang aabutin ng one week or more. Tapos bago mag-take workshop ulit,” paliwanag ng direktor.
Parang narinig na namin ang ganitong istilo na bago isalang sa harap ng kamera ay workshop muna, kay Direk Sigrid Andrea Bernardo.
Noong ginawa nila sa ibang bansa ang pelikulang “Untrue” nina Cristine Reyes at Xian Lim taong 2019 ay inamin ng direktora na bago sila umalis ng Pilipinas ay may ilang sessions of workshop ang dalawang bida.
At pagdating sa Atlanta kung saan ang location ay sasalang ulit sa workshop bago gumiling ang kamera kaya tumagal sila sa pagsu-shoot.
Pero ang ganda ng resulta dahil ang galing-galing nina Cristine at Xian sa kanilang mga karakter.
Going back sa aktres na inirereklamo nitong TV director ay hindi nga niya magawa ang ganu’n katagal na acting workshop dahil kapos sa panahon kaya ang ginagawa niya ay puro pa-emote na lang sa camera.
“Dinadaya na lang sa ibang anggulo. Kasi kung nakatutok ka, wala, eh, blangko siya,” sabi pa.
Sa tanong namin kung may pag-asang gumaling pa sa pag-arte ang aktres na ito, “Meron naman, nakikitaan ko naman siya na willing to learn. Siguro conscious siya lagi sa sasabihin ng tao sa kanya kasi dahil sa image niya,” sagot sa amin ng TV director.
Gumagawa rin pala ng commercial ang direktor na kausap namin at sa tingin niya puwede niya itong irokomenda sa next TV commercial niya?
* * *
Mapapanood din ng mga Pilipino ang inaabangang international drama series na “Monarch,” tampok si Inigo Pascual, dahil ipapalabas ito sa iWantTFC ngayong Setyembre at abangan din ito sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN.
Ang ABS-CBN ang may exclusive linear TV rights para ipalabas ang serye sa Pilipinas at una itong mapapanood nang libre sa iWantTFC sa Setyembre 13 o 48 oras pagkatapos ipalabas sa U.S.
Pinagbibidahan ito ng mga award-winning artists mula sa iba’t ibang bansa tulad nina Anna Friel, Susan Sarandon, Trace Adkins, Beth Ditto, at Joshua Sasse, kabilang na rin si Inigo bilang si Ace, isang gwapo at talentadong binata na inampon ng isang sikat na pamilya.
Bukod sa star-studded cast, kaabang-abang din ang mga awitin sa serye tampok ang ilang orihinal at magagandang cover ng pop at country songs sa bawat episode.
Malaki ang pasasalamat ni Inigo na mapabilang sa isang international series upang ibandera ang talentong Pinoy.
“It was truly a dream come true. Sobrang tagal ko nang pinangarap na makagawa ng Hollywood project and to be able to represent the country in a project like this.
“Mas masaya ako dahil ‘yung character ko mismo ay Pinoy. I had to learn a Southern accent and I had to sing in country, sabi niya.
“I’m very grateful and excited dahil siguradong mapapanood ng mga Pilipino. I’ve been worrying about how it would be streamed in the Philippines, so I’m grateful for iWantTFC dahil nakagawa sila ng paraan,” dagdag ng aktor.
https://bandera.inquirer.net/305182/kyline-matapang-na-sinagot-ang-mga-bashers-na-nagsasabing-hindi-siya-marunong-umarte
https://bandera.inquirer.net/320988/lumaki-po-ako-sa-hirap-yung-p100-pinagkakasya-po-namin-dati-ni-mama
https://bandera.inquirer.net/287305/jc-hirap-na-hirap-magpaalam-sa-pamilya-pag-magtatrabaho-carlo-sinusulit-ang-bawat-oras-sa-pamilya