‘Darna’ star Joshua Garcia hinangaan si Janella Salvador bilang Valentina

Joshua Garcia/ARMIN P. ADINA

Joshua Garcia/ARMIN P. ADINA

NAMAMAYAGPAG ngayon si Jane de Leon sa pinagbibidahang “Darna”, ngunit para sa aktor na si Joshua Garcia na may ginagampanang mahalagang papel sa serye, nararapat ding pagtuunan ng pansin si Janella Salvador na nagbibigay-buhay kay “Valentina”, ang mortal na kaaway ng bida ng serye.

“Abangan din kung ano ang mangyayari sa relationship namin ni Regina, lalo na’t siya si Valentina. Iyon ang isa pang magandang abangan kasi maganda iyong pagkakaarte ni Janella doon.

“Kahit kami sa set, lahat ng actors, nanonood sa kanya habang nagpe-perform siya,” ibinahagi ni Garcia sa isang munting panayam sa paglulunsad sa kanya bilang unang celebrity endorser ng Koomi Philippines sa pagbubukas ng ika-100 sangay sa Pilipinas ng brand mula Australia sa MOA Square sa Pasay City noong isang buwan.

Sa “Darna” rin sila muling nagkasama ni Salvador, na huli niyang nakatrabaho sa “Killer Bride” bago nag-pandemya.

“Masaya akong makatarabaho siya ulit, komprotable na. Dito ulit kami nagkasama. Hindi kami masyadong nagka-contact ngayong pandemic. Masaya akong nakatrabaho ko ulit siya,” ibinahagi ni Garcia.

Inanyayahan pa niya ang publiko na subaybayan ang pagtutulungan ng tauhan niyang si PO2 Brian Robles kay Darna sa pagsugpo sa kasamaan, at “paano iyong aso’t pusa namin ni Narda made-develop sa pagiging best friends namin,” pagpapatuloy pa niya.

Hindi naman umano niya nauunawaan kung bakit naging viral ang eksena niyang topless. “Dati pa naman naghuhubad-hubad na rin naman ako eh. Siguro dahil maangas ako doon? Kasi sa ‘Killer Bride’ nag-topless din ako doon na parang iyong eksena ko na nag-iisip ako,” ani Garcia.

Inamin naman niyang hindi niya napapanood ang “Darna” sa pag-ere nito. “Pero pagkatapos niya ina-upload kasi ng ABS-CBN sa YouTube, may four videos doon per episode. So doon ko siya pinapanood para makahabol ako,” paglalahad ni Garcia.

Ibinahagi din niyang muli siyang mapapanood sa isang pelikula ngayong taon, ang “Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan” na halaw sa nobelang misteryo ni Bob Ong. Si “Darna” director Chito Roño rin ang gumawa nito, at prinodyus ng Regal Films at Black Sheep Production.

“Ginawa namin iyon pre-pandemic. Tapos na naming gawin pre-pandemic pa lang. Pero medyo ayaw bitawan kasi ni Direk Chito, gusto niyang mapulido and editing,” ibinahagi ni Garcia.

Read more...