Bandera Editorial: Lakas… tuwid na daan

Bandera Editorial

DEDMA lang ang pahayag ng Malacanang na gagawin ni Pangulong Arroyo nang mas maaga ang kanyang State of the Nation Address sa Hunyo 14, imbes na nakagawian sa Hulyo (siyempre, hindi na siya presidente sa pagbubukas ng dalawang kapulungan ng Kongreso). Dedma dahil nakatuon na ang pansin sa nahalal na si Noynoy Aquino. Anuman ang iuulat ni Arroyo sa kanyang SONA ay kasaysayan na lamang, mga pahina ng nakalipas, na marahil ay ang kabuuang siyam na taon niya sa panunungkulan sa Palasyo.

Sa kanyang pagbigkas ng huling SONA, salubungin at ihatid pa rin kaya siya ng masigabong palakpakan? Makikita na kaya ni Arroyo, at mabibilang, ang mga balimbing na nagsitubo na naman kahit walang nagtanim? O, sisimulan na ang operasyon lugmok para, magbago man ang kanyang pasya, ay di pa rin niya masusungkit ang puwesto ng Speaker?

Noynoy na nga. Yan na ang titingalain ng taumbayan. Napakalawak (na mga sektor) at napakarami (botante) ang nagtiwala kay Noynoy. Nasa kanya na nga ang pag-asa, ang kinabukasan at ang pagganda ng buhay. Gaganda na nga ang buhay kay Noynoy. Yan ay kung matupad ang kanyang pangako. Na dadalhin niya ang bansa sa tuwid na daan. Na ilalayo niya ang bansa sa baluktot na daan. Na mawawala ang kahirapan dahil mawawala na rin ang korapsyon, ang katiwalian, ang nakawan sa gobyerno. Dahil hindi siya magnanakaw.

Napaka-seryoso at mabigat na mga pangako. Matupad kaya ang mga ito? Nagtiwala ang taumbayan kay Noynoy at tiyak na matutupad ang mga pangako. O, sana’y matupad nga ang ilan, kundi man ang lahat? May agam-agam ka ba? May pagdududa, dahil talaga ngang kaduda-duda ang mga pangalang naglitawan na babasbasan ni Noynoy para makasama niya sa pag-akay sa bansa sa daang matuwid at hindi baluktot?

Pero, ang sinabi niya sa kanyang advertisement sa telebisyon at radyo, sa atin siya humuhugot ng lakas. Ang taumbayan ang nagbibigay sa kanya ng lakas. At sinagot din yan ng isa pang anunsiyo ni Gob. Vilma Santos-Recto, na “…Noy, ikaw ang aming pag-asa.”

Sana nga. Sana nga’y tuwid na daan na ang tahakin ng mga kaduda-duda sa kanyang paligid.

Bandera, Philippine News, 052810

Read more...