MANILA, Philippines—Anim na ginoo mula sa kampo ng Mister International Philippines pageant ang lalaban sa iba’t ibang international competitions, at umaasang mag-uuwi ng mga titulo para sa bansa.
Sa isang “sashing ceremony” sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City ngayong Set. 8, opisyal na ginawaran ng Mister International Philippines (MIPH) organization ng kani-kanilang pambansang titulo ang apat na runner-up na napili sa finals ng pageant nitong Hunyo 27. Isang Top 10 finisher pa ang naatasang lumaban sa isang international competition.
Inuwi ni Myron Jude Ordillano ang pangunahing titulong Mister International Philippines sa pagtatapos ng unang pa-contest ng MIPH, at naatasang lumaban sa ika-14 edisyon ng Bangkok-based na Mister International pageant, na itatanghal sa Pilipinas sa susunod na buwan.
Bago pa man itinanghal ang coronation ceremony nitong Hunyo, hinayag na ng MIPH na dalawa sa mga runner-up ang ipadadala sa ibang international competitions. Nitong Agosto, dalawa pang runner-up ang naatasan ding sumabak sa mga patimpalak sa ibayong-dagat. At ngayong Setyembre lang, isang finalist ang hinirang na kinatawan ng Pilipinas sa isa pang pageant.
Tinanggap ni first runner-up Mark Avendaño ang titulo bilang Mister Global Philippines, at tutulak sa Thailand para sa Mister Global pageant. Hinirang namang Mister National Universe Philippines si second runner-up Michael Ver Comaling, na sa Thailand din ang biyahe para naman sa Mister National Universe contest sa susunod na taon.
Noong coronation night pa lang nitong Hunyo, ipinagbigay-alam na ang mga international pageant na lalahukan nina Avendaño at Comaling nang hirangin sila bilang mga runner-up.
Nitong Agosto, hinayag ng MIPH na ipadadala rin sa ibayong-dagat sina third runner-up Kitt Cortez at fourth runner-up Andre Cue bilang mga kinatawan ng Pilipinas sa dalawang international competitions sa Nobyembre.
Tinanggap ni Cortez ang titulo bilang Mister Tourism International Philippines at lilipad sa Indonesia para sa Mister Tourism International pageant, habang itinanghal bilang Caballero Universal Filipinas si Cue na sa Venezuela naman tutulak para sa Caballero Universal contest.
Itinalaga na rin ng MIPH si Cue bilang Mister Teen International Philippines nitong Hulyo. Sinabi sa Inquirer ng pangulo ng organisasyon, ang abogadong si Manuel Deldio, na kung hihiranging Caballero Universal sa Venezuela si Cue, hindi na siya lalaban sa international contest para sa mga tinedyer na nakatakdang idaos sa Laos sa Hunyo 2023.
At ngayong Setyembre lang, hinayag ng MIPH na nakuha na rin nito ang lisensya para sa unang edisyon ng Miss and Mister Beauté International pageant sa Turkiye, at itinalaga si Top 10 finalist John Ernest Tanting bilang kinatawan ng Pilipinas sa dibisyong panlalaki ng patimpalak. Nagtapos siya sa ikaanim na puwesto sa 2022 Mister International Philippines pageant, sinabi sa Inquirer ng tagapagsalitang si Norman Tinio.
Magpapatawag ng auditions ngayong buwan ang MIPH para sa babaeng makakatambal ni Tanting sa Miss and Mister Beauté International pageant sa Istanbul sa Nobyembre.