Filipino queens eeksena sa billboard sa Times Square, New York

Filipino queens eeksena sa billboard sa Times Square, New York

Masisilayan sa Times Square sa New York City ang Pilipinong habi na ‘musa’ sa larawang ito ng ‘Musa Bufanda’ collection ng Katwalk Industries sa isang billboard doon sa Set. 10 at 11 (Set. 11 at 12 sa Maynila)./KATNISS GRIFFITHS PHOTO

MASISILAYAN ng mga New Yorker ang mga Pilipinang beauty queen sa isang billboard sa Times Square kung saan tampok ang lokal na telang “musa”, ang ibinahagi sa Inquirer ng designer na si Katniss Griffiths.

Kabilang sa mga modelo sa billboard ang mga Pilipinang namayagpag sa pandaigdigang entabaldo—sina 2022 Miss Elite International first runner-up Shanon Tampon at 2020 Miss Globe fourth runner-up Rowee Lucero.

Kasama rin sa mga bigating modelo sa billboard ang mga international model na sina Anaisz at Jenaya Lee, mga kandidata ng Binibining Pilipinas na sina Patricia Ann Tan at Francesca Taruc, Bb. Mandaluyong Shaira Rona, at Bb. Angono Sherrymae Valenzuela.

“The billboards will coincide with New York Fashion Week (NYFW), and will feature my latest collections with ‘House of Musa,’ ‘Musa Bufanda’ and ‘Musa de Kurbata’ by Katwalk Industries,” sinabi ni Griffiths sa Inquirer sa isang online interview.

Nagpasya umano siyng ilunsad ang mga koleksyon niya sa billboard sapagkat hindi na niya naasikaso ang isang fashion show dahil abala siya sa mga tungkulin bilang pinuno ng Miss Aura Philippines organization. “We were focused on preparing Micca (Rosal) for Miss Aura International,” ipinaliwanag ni Griffiths.

Kabilang sa mga modelo ng ‘Kurbata de Musa’ ng Katwalk Industries sina (itaas, mula kaliwa) Bb. Mandaluyong Shaira Rona, Miss Elite first runner-up Shanon Tampon, Miss Globe fourth runner-up Rowee Lucero, (gitnang hanay, mula kaliwa) Bb. Pilipinas candidate Patricia Ann Tan, designer Katniss Griffiths, Bb. Araneta City Francesca Taruc, (ibaba, mula kaliwa) Swiss model Anaisz, Jenaya Lee, at Bb. Angono Sherrymae Valenzuela./KATNISS GRIFFITHS PHOTO

Napili si Rosal bilang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Aura International pageant nang masungkit niya ang titulo sa unang pagtatanghal ni Griffith ng Miss Aura Philippines pageant nitong Hunyo. Umaasa siyang makuha ang international crown na napanalunan ni Faith Garcia para sa bansa noong nagdaang taon.

Si Griffiths din ang pumili kay Garcia upang maging unang kalahok ng Pilipinas sa Miss Aura International pageant sa ika-14 edisyon ng patimpalak noong nagdaang taon. Umaasa si Rosal na matutumbasan ang nakamit ng international queen sa nalalapit na pagtatanghal ng contest sa Turkiye ngayong buwan.

Para naman sa bago niyang fashion collections, nakipagtulungan si Griffiths kay Joy Soo ng Musa Fabrics dito sa Pilipinas “to help Filipinos here and abroad.”

Sinusuportahan ng textile enterprise ni Soo ang “Musa Advocacy,” kung saan nagkakaroon ng mapagkakakitaan ang mga nasa katutubong pamayanan sa Davao del Norte at persons deprived of liberty sa pamamagitan ng paghahabi ng “musa” mula sa halamang saging.

Makikita ang billboard tampok ang Musa Bufanda at Musa de Kurbata collections ng Katniss Industries para sa 2022 NYFW sa Times Square sa New York City sa Set. 10 at 11 (Set. 11 at 12 sa Maynila).

 

 

Read more...