Juliana Parizcova sinampahan ng cyberlibel ng mga producer ng ‘Katips’; nagpapakalat ng fake news tutuluyan ni Vince Tañada

Juliana Parizcova at Vince Tañada

KINASUHAN na ng kasong cyberlibel ng mga producer ng kontrobersyal na pelikulang “Katips” ang komedyanteng si Juliana Parizcova Segovia.

Ito’y may koneksyon sa mga malilisyosong social media post umano ni Juliana sa mga napanalunang awards ng martial law movie na “Katips” sa nakaraang FAMAS Awards.

Ayon kay Vince Tañada, ang producer at bida sa naturang pelikula, nakapag-file na ng reklamo ang mga co-producer niya sa “Katips” na mga abogado ring tulad niya.

Kagabi, nakausap namin si Atty. Vince, kasama ang ilan pang miyembro ng entertainment media, at natanong nga siya kung may update na ang plano nilang pagdedemanda laban kay Juliana.

“Yung mga co-producer natin sa pelikulang ito ay mga abogado rin, e, kaya nasaktan sila dahil libelous nga naman yung sinabi ni Juliana Parizcova.

“Ang alam ko nai-file na nila yun sa piskalya at hinihintay na lang natin yung decision about that,” pahayag ng actor-producer-director.


Sabi pa niya, kailangang turuan ng leksyon ang mga taong nagpapakalat ng fake news para kahit paano’y mabawasan na ang mga taong walang ginawa kundi ang maglabas ng misinformation at disinformation.

Kung matatandaan, inokray ni Juliana ang paghakot ng awards sa 70th FAMAS ng “Katips” dahil si Atty. Vince daw ang naging direktor ng awards night noong 2021.

“Babatiin ko na sana yung humakot daw ng awards sa FAMAS at pelikulang pa-victim na kunwari tinatapangan para itapat sa Maid in Malacañang, kaso andaming resibo. Sige na nga… Congrats Hahahaha!” ang pahayag ng direktor sa Facebook.

Ipinost pa niya ang screenshot ng closing credits ng 69th FAMAS noong February, 2021 kung saan makikita na si Vince ang director ng awards night.

Kasunod nga nito, nagsalita si Vince tungkol sa akusasyon ng komedyante sa kanila, hindi raw niya maintindihan kung bakit nakikisawsaw si Juliana sa isyu sa pagitan ng “Katips” at sa pro-Marcos movie na “Maid in Malacañang” na idinirek ni Darryl Yap.

“Itong si Juliana ay nagtataka ako, hindi naman siya kasali sa pelikulang Maid in Malacañang pero nakikialam siya at nagsasalita sa mga ganitong bagay,” sabi ng abogado.

Kagabi, nilinaw nga ni Vince na naging direktor siya ng FAMAS noong 2021 at wala na siyang kinalaman sa naganap na awards night ng award-giving body kamakailan.

Nauna rito, nag-post din si Vince sa Facebook tungkol sa pagdedemanda laban sa mga taong nagpapakalat ng fake news.

“The time has come for us to think of filing cases against fake news peddlers.

“This is one way of fighting back which is more supreme than countering or answering them in social media. Let’s call a spade a spade. What they do is a crime. Instituting legal proceedings is necessary. #StopLies #StopFakeNews,” sabi ng abogado at film producer.

Nagpadala na kami ng mensahe kay Juliana sa pamamagitan ng direct message para hingin ang kanyang panig hinggil sa isyung ito. Agad naming ibabahagi ang magiging sagot ng komedyante dito sa BANDERA.

Samantala, ibinandera rin ni Atty. Vince na magkakaroon na rin ng world tour ang “Katips” sa susunod na apat na buwan simula ngayong buwan.

Kabilang sa mga bansang iikutin ng “Katips” ay ang Middle East (Dubai, Abu Dhabi, Kuwait, U.A.E., Bahrain, Oman); Japan (Tokyo); New Zealand (Auckland, Wellington); Australia (Melbourne, Adelaide, Brisbane, Gold Coast, Sydney); Spain (Barcelona).

Ipalalabas din ang movie sa United Kingdom; Germany (Stutgard, Luxembourg); Switzerland (Geneva, Zurich); Italy; USA (New Jersey, New York, Washington, los Angeles, San Francisco, Sacramento, Hawaii); Canada (Vancouver, Edmonton, Winnipeg, Montréal, Ottawa, Toronto); at Hong Kong.
https://bandera.inquirer.net/320230/juliana-parizcova-kinuwestiyon-ang-paghakot-ng-awards-ng-katips-sa-famas-nanalong-best-supporting-actor-inokray
https://bandera.inquirer.net/320147/martial-law-movie-na-katips-humakot-ng-trophy-sa-famas-2022-vince-taada-tinuhog-ang-best-actor-at-best-director-awards

https://bandera.inquirer.net/308565/vico-sotto-hindi-apektado-sa-cyberlibel-case-na-isinampa-ni-iyo-bernardo-its-nothing-personal
https://bandera.inquirer.net/288264/bossing-sa-nagpapakalat-ng-fake-news-hindi-natin-yan-palalampasin-pagbabayaran-nyo-yan

Read more...