EKSAKTONG isang buwan na ang nakararaan mula nang makoronahan si Camelle Mercado bilang pangalawang Pilipina at Asyanang Miss Continentes Unidos (Miss United Continents), nang talunin ang 24 iba pang kalahok sa pagtatapos ng patimpalak sa lungsod ng Portoviejo sa Ecuador noong Agosto 6 (Agosto 7 sa Maynila).
“It’s very life changing. This is very life changing for me,” sabi ni Mercado sa Inquirer sa pagbubukas ng The Pretty You Prime sa Mandaluyong City noong Set. 6.
Nauna na siyang nag-apply para sa 2022 Binibining Pilipinas pageant nang nagbukas ang taong ito, ngunit nakatanggap siya ng tawag mula kay 2016 Miss United Continents Jeslyn Santos at tinanong kung nais niyang katawanin ang Pilipinas sa isang pandaigdigang patimpalak.
Ang reyna ng 2016 ang unang Asyanang nagwagi sa patimpalak na teritoryo ng mga Latina, at siya ngayon ang national director ng pageant para sa Pilipinas.
Napapayag din niya si Mercado, at iyon na ang simula ng magandang tadhana.
“I’ve just been in Pampanga, I went back home for my homecoming parade, and I really felt the love of my fellow Kapampangan. I feel so proud that they’re proud of me,” sinabi ng bagong reyna.
Ilang mga national at international titleholder na ang nagmula sa naturang lalawigan, kabilang na si 1979 Miss International Melanie Marquez.
Ayon kay Mercado, sinabihan siya ng international organization bago siya umuwi sa Pilipinas na pababalikin siya sa Ecuador kalaunan.
“Right now I’m just waiting for the instructions when they want me to go back to Ecuador. I think they told me last time that I’ll be back around December or January to do some charity works there,” ibinahagi niya.