Herlene Budol patuloy ang ‘misyon’: Sabi nga ng lola ko, walang imposible sa taong may magandang hangarin

Herlene Budol patuloy ang ‘misyon’: Sabi nga ng lola ko, walang imposible sa taong may magandang hangarin

Bb. Pilipinas first runner-up, and Miss Planet Philippines Herlene Nicole Budol/ARMIN P. ADINA

INIHAYAG ni 2022 Binibining Pilipinas first runner-up Herlene Nicole Budol na “uniquely beautiful with a mission” siya nang sumagot siya sa gabi ng patimpalak.

At ngayong hinirang na rin siya bilang kinatawan ng bansa sa ikatlong edisyon ng Miss Planet International pageant, ipagpapatuloy niya ang misyon niya sa pandaigdigang entablado.

“May nagsabi sa akin na unconventional queen ako, so tinagalog ko, ‘binibining hindi inaasahan.’ Ngayon tingnan ninyo, kung kaya ko, kaya n’yo rin eh,” sinabi ni Budol sa Inquirer sa isang panayam sa Owner’s Circle sa Araneta City sa Quezon City pagkatapos niyang mahirang bilang 2022 Bb. PIlipinas first runner-up.

Inangkin na niyang misyon ang maipakita sa tao na kahit sino maaaring mangarap, inaasahan ka man o hindi, “Sabi nga ng Lola ko, walang imposible sa taong may magandang hangarin.

“Kahit anong itsura mo, kahit anong hugis ng katawan mo—payat, mataba, maitim, maputi, kulot o straight—maganda ka. Ang kagandahan para sa lahat,” pagpapatuloy pa ng komedyante at content creator.
Naging mahalagang susi para kay Budol ang pagtanggap sa sarili, kabilang ang taglay niyang uri ng ganda. Kaakibat na rin ng hakbang na ito ang pasya niyang gumamit ng Filipino sa Bb. Pilipinas.

“Noong nakatuntong ako sa screening ng Bb. Pilipinas, tinatak ko sa utak ko iyon, wala pong halong kahit anong pagdadalawang isip, na magta-Tagalog po talaga ako. Alam ko po kung saan ako malakas, at alam ko kung saan ako mahina. Bakit ko naman gagawin iyong pinakamahinang hindi ko pa napapalakas?” paglalahad niya.

Ngunit ikinagulat niya ang natanggap na papuri para sa pagsasalita sa Filipino.

“Kahit anong gawin ko parang may mali pa rin akong nagagawa para sa ibang tao. Pero para sa akin po, ginagawa ko iyong alam kong ikakabuti ko, ikakabuti ng lahat ng mga taong nasa paligid ko. Iyon siguro ang ambag ko sa lipunan,” sinabi ni Budol.

Ayon pa sa kanya, kung “Binibining Pilipinas” ang mismong titulo ng patimpalak, dapat lang na maging pangkaraniwang ang pagsasalita ng Filipino ng mga kandidata.

Sinabi pa ni Budol na may maganda pang nangyari mula nang sumampa siya sa entablado ng Bb. Pilipinas pageant. “Alam mo ba kapag naglalakad ako ‘Miss Nicole’ na ang tawag nila sa akin. Dati ‘hoy hipon, shoutout mo naman ako’ ang sinasabi nila sa akin,” aniya.

“Ngayon ansarap sa pakiramdam na nakatanggap ako ng respeto,” pagpapatuloy pa ni Budol.

Sinabi ng reynang taga-Angono, Rizal, na hindi nagtatapos sa Bb. Pilipinas ang misyon niya. “Kahit hanggang sa pagtanda ko dala-dala ko na itong crown ko na meron akong misyon, because I know for myself that I am uniquely beautiful with a mission.”

Makakatunggali ni Budol ang mahigit 60 kalahok mula sa iba’t ibang bansa sa ikatlong edisyon ng Miss Planet International, na itatanghal sa Kampala, Uganda, sa Nob. 19.

Read more...