BAGO nakamit ni Doc Willie Ong ang 7.72 million subscribers sa kanyang YouTube channel at 16 million followers sa Facebook ay marami muna siyang dinanas na sama ng loob.
Iyan ang kuwento ng sikat na doktor sa panayam sa kanya ni Toni Gonzaga na mapapanood sa YouTube channel nitong “Toni Talks.”
Kuwento ng kilalang cardiologist-internist na kumandidatong senador noong 2019 at bise presidente nitong nagdaang May 2022 elections ay dekada ang inabot ng YT channel niya bago siya nagkaroon ng subscribers.
Taong 2006 nang simulan ni Doc Willie ang kanyang YT channel at sa tanong ni Toni kung ano ang ginagawa nito, “Naglalabas ng sama ng loob (nagkatawanan sila pareho). Siyempre ang goal ko noon makakuha ng show at makatulong sa maraming tao, mga 2006 palang ‘yan.
“Nagsabi ako noon kay Kuya Boy Abunda kung may chance akong makapasok sa ABS-CBN, sabi niya, ‘kaya ‘yan maganda ang concept natin.’
“Pero kahit saan ako maka-apply laging closed ‘yung door, hindi ako maka-apply or hihingan ka ng block timer, magbabayad ka ganu’n ang network di ba?” kuwento nito.
Malabo raw talaga siyang makapasok sa network dahil hinihingan siya ng bayad at wala raw siyang budget para rito.
“Hindi ka guwapo, mabagal ka magsalita at kailangan sa TV mabilis high energy kasi sayang (daw) oras. Paano, explain mo ‘yung sakit, bibilisan mo? Hindi ka mestizo (kasi) kinukuha nilang host mestizo. Nothing about mestizo hosts na doctors, so laging ganu’n ‘yung concept nila (network),” pagtatapat ng kilalang online doctor.
Tawa naman nang tawa si Toni sa kuwento ng kausap at nabanggit nitong, “kaya kayo nire-reject?”
“Oo, ang dami kong rejection, halos lahat naman rejection, unless magbabayad ka! Ha-hahaha! Hindi ka na mare-reject,” diretsong sabi ni Doc Willie.
Taong 2007 ay puro rejections pa rin ang dinanas niya at pagdating ng 2008, “Sa Salamat Dok, I was just a doctor there na nagme-medical mission hindi naman talaga ako host, naggi-guest lang ako.
“So, ‘yung dami kong naiisip na maitutulong sa bayan na kailangan nilang malaman ay hindi ko magawa, so inilabas ko lahat sa YouTube at Facebook,” kuwento pa niya.
Matagal daw bago ito pumik-ap, “Ang videos ko sa YouTube at Facebook siguro mga 4,500, grabe, bugbog. Bawat video ni Toni Talks kailangan gumawa ako ng 100 (natawa ang host) para lang makatapat sa views. Kasi ang videos ko 50,000 lang, ‘yung sa kanya milyon, eh,” natatawa pang tsika ni Doc Ong.
Say naman ni Toni, baka kasi nagsisimula pa lang noon si Doc Willie kaya mababa pa ang views pero ipinagdiinan naman ng huli na hanggang ngayon ay ganito pa rin ang bilang.
“Pero 16M followers kayo sa Facebook,” giit ng TV host-actress at producer.
“Oo, pero the point is iba kasi ‘yung health issue (dahil) hindi naman lahat magkakasakit at the same time ng lupus or whatever pero ginagawa ko pa rin kasi may target ‘yun, eh. May tatamaan pag ganu’n sakit. Leukemia at one time, kailangan niya ‘yun (payo). Kailangan nilang marinig (impormasyon),” paliwanag niya.
“Kaya kayo nag-start ng YouTube channel ninyo ay gusto ninyong maka-reach out sa mas maraming tao at baka may mga pasyente na nangangailangan ng consultation, payo at saka advice sa pinagdadaanan nilang sakit at may libre silang napapanood na doktor na puwede silang tulungan nu’ng time na ‘yun,” say naman ni Toni.
Kailan nasabi ng doktor na, “Ay, kilala na ako ng mga tao!”
“Siguro nu’ng nakagawa na kami ni Doc Liza (asawa niya) ng 200 to 300 videos. Walang views, walang subscribers, nothing. Kailan nag-pick-up, siguro 2018. Walang kita ‘yun, there was no monetization, no nothing, wala barya-barya lang,” pag-amin nito.
At kaya ipinilit talaga ni Doc Willie kasama ang wifey na si Doc Liza ang YT channel at FB ay, “Kasi feeling ko may maitutulong akong kakaiba, feeling ko mayroon akong masasabing mas pure at mas maganda.
“Ang problema kasi sa ibang mga shows, nagpapayo nga pero parang mababaw hindi mo ma-feel. Nagpapayo tapos biglang may lumabas na produkto, nahilo ‘yung tao, binebentahan ba ako nito? Ha-hahaha! May agenda pala, kaya ang secret ko lang sa lahat ng videos ko, 100% ay para sa inyo, wala akong ibebenta, nothing.
“Sa inyo lang ‘to, gusto ko lang makinig kayo para humaba buhay n’yo, para makasama mo mga anak mo, that’s it! Saka alam ko ‘yung mga tao walang pera kasi nag-iikot kami sa mahihirap na lugar, talagang walang pang check up, kahit (pambili) ng vitamins.
“Kaya kahit ano tinuturo ko na, tubig, saging, langit, dasal kasi malakas ‘yung placebo effect is you just give nothing, it’s just water (and) 40% gumagaling ang mga tao because they believe, you will get healed,” aniya pa.
Sumang-ayon naman si Toni sa mga sinabing ito ni Doc Willie, “Yes naniniwala ako diyan, you do not get what you pray for, you do not get what you wish for, you get what you believe. Kaya malakas ‘yung mga anting-anting kasi malakas ‘yung panininwala nila.”
“Correct, kasi talagang gumagamit sila, ‘yung katawan nagpapagaling,” sabi rin ni Doc Ong.
Sabi pa ni Doc Willie tungkol sa kanyang social media accounts, “When the camera is on just to help the people, wala akong agenda, hindi ‘yung 50% tulong, 50% benta hindi. Okay na ako dito.
“Matipid naman kami (pamilya). ‘Yan ang secret ko, matipid kami sinadya ko dalawa lang ang anak namin kasi kulang ang funds for tatlo o apat (anak).
“Tapos hindi pa ako nakaka-abroad ng malayo, hindi pa ako nakapunta ng Paris, Vienna. Gusto kong makita ‘yung mga Gondola, pangarap kong makapunta.
“Pero kung pupunta kami, gagastos ako ng half a million, e, (puwede namang itulong) na,” sambit pa ng doktor.
https://bandera.inquirer.net/293633/bakit-nga-ba-si-doc-willie-ong-ang-napiling-vp-ni-yorme
https://bandera.inquirer.net/306039/hayden-kho-binili-ang-dream-car-ni-dra-vicki-belo-its-for-real-and-this-is-for-you
https://bandera.inquirer.net/293705/i-can-work-with-anybody-dilaw-o-pula-dahil-moreno-naman-ang-kulay-ng-filipino
https://bandera.inquirer.net/284155/2-pinoy-designers-ang-gumawa-ng-national-costume-ni-miss-singapore-bernadette-belle-ong