Estudyanteng 6 years sa college at nagpalipat-lipat ng school, graduate na ng Criminology…Top 9 pa sa 2022 Licensure exam

Kyle Zandrew Barde naka-graduate after 6 years sa college

Kyle Zandrew Barde

“I WAS just delayed—never denied.” Yan ang isa sa mga life lesson na natutunan at nagmarka sa isip at puso ng isang estudyanteng nagtapos sa kolehiyo matapos dumaan sa matitinding pagsubok.

Knows n’yo ba na bago maka-graduate si Kyle Zandrew Barde, anim na taon muna siyang nag-aral sa kolehiyo, nagpalipat-lipat sa tatlong school, at isang taong huminto sa pag-aaral?

Yes, dear BANDERA readers, hindi rin naging madali para kay Kyle Zandrew ang makapagtapos sa college sa kursong Bachelor of Science in Criminology sa University of Batangas.

Marami rin daw siyang mga bubog at hugot sa buhay kaya isang napakalaking blessing ang mabigyan siya ng diploma at may bonus pa.

Nag-Top 9 pa kasi siya sa June 2022 Criminologist Licensure Examination kung saan nakakuha siya ng rating na 88.25 percent.

Sa pamamagitan ng kanyang Facebook account, naging bukas si Kyle sa naging takbo ng kanyang buhay bago pa makamit ang inaasam na tagumpay.

“I made a lot of mistakes in the past—more than I care to admit. And looking back, there were some of the darkest moments in my life,” aniya.

Kuwento pa ng binata, six years ang itinagal niya sa kolehiyo bago nakapagtapos. Ito’y dahil daw apat na taon din siyang naging irregular student.

Tatlong eskwelahan din ang kanyang pinasukan at inamin niyang may isang semester na lahat ng subject niya ay bumagsak siya. Palagi rin daw siyang gumagawa ng promissory note dahil hindi nga nakakabayad ng tuition fee sa tamang oras.

May mga pagkakataon nga raw na tinatanong na niya ang Diyos kung bakit puro kamalasan na lang ang nangyayari sa kanya.

Ngunit hindi pa rin siya sumuko at kumapit pa rin sa kanyang pananampalataya at sa pagmamahal sa kanyang mga magulang.

“Hindi ko inisip na kawawa ako. Ang iniisip ko, mas kawawa ang mga magulang ko.

“May mga pagkakataon na tinitingnan ko sila habang natutulog at sinasabi ko sa sarili ko na, ‘If I couldn’t give them everything that they need in life, I could at least, somehow, make them proud.’ Sila ang kayamanan ko,” aniya pa.

Ito naman ang mensahe niya sa lahat ng mga tumulong sa kanya at nagpalakas ng kanyang loob para ipagpatuloy ang laban.

“Hindi ko siguro magagawang isa-isahin silang lahat, pero sa isang bagay lang ako sigurado, wala ako rito kung hindi dahil sa inyo.

“Naisip ko nga na siguro nakulitan na ang Diyos sa dami ng mga taong ipinagdadasal na sana pumasa ako.

“Utang ko sa mga kaibigan, guro, pamilya at iba pang mga sumuporta sa akin ang lahat. It was all worth it,” lahad pa ni Kyle Zandrew.

Samantala, binigyan naman si Kyle ng P15,000 ng University of Batangas bilang incentive sa pagpasok niya sa Top 10 ng June 2022 Criminologist Licensure Examination.

Sa huli, inamin din ng binata na hindi naman daw siya talagang ganu’n kagaling, “Pero alamat sa mga naniwala at nagtiwala sa potensiyal ko.

“Hilaw pa ako sa karanasan, pero patuloy akong mananatiling uhaw sa karunungan. Naunawaan ko, higit sa lahat, na I was just delayed—never denied,” pahayag ni Kyle.

https://bandera.inquirer.net/321684/estudyanteng-nagtapos-sa-university-of-antique-nag-viral-dahil-sa-kanyang-resi-bouquet

https://bandera.inquirer.net/299902/awra-proud-na-napagtapos-ang-ama-sa-kolehiyo-ako-po-yung-umakyat-sa-stage-para-bigyan-siya-ng-diploma

https://bandera.inquirer.net/319697/sister-ni-kyle-echarri-na-may-brain-tumor-sumailalim-sa-surgery-so-far-all-is-well
https://bandera.inquirer.net/321047/jaime-fabregas-kontra-sa-pagkakaroon-ng-rotc-teach-our-children-to-love-their-country

Read more...