NOON pa ay gusto na namin si Seth Fedelin dahil sa mga “no filter” niyang pagsagot kapag ini-interview siya at kapag hindi niya type sagutin ang tanong ay humihingi siya ng dispensa na huwag na lang pag-usapan.
Nang hindi niya kaagad inaming may relasyon sila ni Andrea Brillantes noon ay dahil gusto lang niyang tuparin ang usapan nila ng dati niyang karelasyon pero nang maging negatibo ang aktres sa ilang netizens ay to the rescue ang aktor kahit wala na sila.
Sa solong panayam ni Seth sa talent manager cum content creator na si Ogie Diaz ay inamin nitong natatakot siya at puwede naman niyang hindian ang panayam, pero hindi niya ginawa.
Isa pang kahanga-hanga sa binatang ito ay hindi binago ng kasikatahan ang ugali niya at kahit may lumapag nang malaking halaga sa palad niya ay nananatili pa rin siyang simple.
Tulad ng SUV niyang nabili noong 2019 na nalaman namin dahil kakilala namin ang dealer na kinunan niya at hanggang ngayon pala ay ito pa rin ang gamit-gamit ng young actor.
Ang katwiran ng lead actor ng online series na “Lyric and Beat,” “Hindi ko pinapalitan, hindi ko ikukumpara ‘yung sasakyan kong ‘yan, ako ang may gawa niyan. Pinagpawisan ko ‘yan ako ang nagtatrabaho sa pamilya ko.
“Yung iba nakakabili (nang luho nila) kasi may trabaho magulang nila, ‘yung pera nila kanila lang, solo lang nila. Ako ang pera ko pampaaral, pambayad sa bills sa bahay, so, lahat sa akin po talaga.
“May mga nagsasabi rin na dapat ang gamit ko ganyan, dapat ganito kasi artista ka, tinitingnan ka ng tao.
“Sabi ko, kailangan ko bang bumili ng mamahaling sapatos para lang mapansin ako ng tao? Kailangan ko bang bumili ng ganitong sasakyan para mapansin ako ng tao o mai-post ko sa Instagram na nakabili ako ng sportscar? Parang hindi, e. Hindi ako ganu’n,” pag-amin ni Seth.
Ipinagmamalaki pa niya na ang mga magulang niya ay hindi rin nasisilaw sa pera dahil nang dalhin daw niya sa isang mall ang mga ito para mag-shopping ay hindi nila ginawa.
“Never si mama bumili ng pangsarili kahit hanggang ngayon. Never mo ‘yung makita na nakasuot ng mamahaling bag, nakasuot ng mamahaling sandals.
“Ang makikita mo lang ay ‘yung binili ko sa kanya noong nag-Amerika ako (sa) The Bay, San Francisco, yung sa ASAP noong 2019 na nakasama ako. Ang binili ko sa kanya ay bag na MK (Michael Kors) at relo na MK din. Hanggang ngayon ‘yun lang din ang dala ni Mama, never siyang bumili ng mahal.
“Sabi niya sa akin, ‘Nak bibili ako ng bag ha?’ Sabi ko sige ma bili ka. Alam mo kung anong biniling bag, sa tiangge ‘yung 600 pesos. Sabi ko, ‘ba’t ‘yan ang binili mo?’ E, sabi maganda raw ang design.
“Kaya doon ako pinaka-proud na ‘yung magulang kong ito (hindi abusado). ‘Yun ‘yung maganda sa ugali ng tao, eh which is practical. ‘Yun ang kailangan natin ngayon hindi natin kailangan ng magaganda para makasunod sa uso. Hindi ako nakikipagkumpetensya sa mga taong may ganu’n din,” paliwanag ni Seth.
Ang tatay ng aktor ang sinasabi niyang pinaka-spoiled sa kanya na binilhan niya ng farm sa Cavite rin.
“’Yun ang pinagkakaabalahan niya ngayon na every Sunday nandoon kami. Kung baga regalo ko kay Papa. Simple lang ‘yung farm namin as in nagpatayo si Papa ng kubo.
“May dalawa na kaming kubo na kapag every Sunday ang mga pinsan ko, dito tayo. Boodle fight kami, nag-iihaw kami. Simple lang na ibinigay ko kay Papa na nagpapasaya sa kanya,” aniya.
Diretso ring sinabi ni Seth na nakapasok siya ng showbiz dahil sa pagpupursige niya na nagsimula nga sa “Pinoy Big Brother Otso” noong 2018.
Aniya, “Sinasabi ko sa sarili ko na walang puwedeng mangmaliit sa akin, walang puwedeng manapak sa akin.”
Tanong ni Ogie, “Bakit may ganyan kang (hanash)?”
“Na-experience ko na kasi na minaliit kami ng family ko dati. ‘Yung tipong ipaparamdam sa ‘yo na ‘ito kayo, ganyan lang kayo?’” sabi ng aktor.
Natawa siya nang tanungin ni Ogie kung sino ang nangmaliit sa kanilang pamilya, “Baka may magalit.”
Dagdag pa, “Kaya sinasabi ko sa sarili ko na walang puwedeng mangliit saka si Papa sinasabi ko, ‘Pa maging mayabang ka. Hindi ‘yung tipong mayabang na mangliit ng tao. Kasi ‘yung Papa ko na-stroke, nawala ‘yung pride sa sarili.
“Kaya sabi ko ‘Pa, ako ‘yung iyabang mo. Binilhan ko siya ng bagong cellphone tapos sa isang gathering sabi ko dalhin mo ‘yung box ng cellphone ganyan. Kasi ‘yung Papa ko nawala ‘yung man’s pride niya (kumpiyansa sa sarili). Parang nalugmok siya sa nangyari sa kanya,” kuwento ni Seth.
Kumuha ng kursong nursing ang ama ni Seth pero hindi natapos at nauwi sa physical therapy kaya noong na-stroke siya na mismo ang nag-therapy sa sarili.
“Gumawa siya ng improvise pully niya, lagi siyang nag-e-exercise (minuwestra ang kamay) tapos ‘yung paa niya lagi niyang ini-exercise. Papaliguan ng ermat ko ‘yun tapos ako ‘yung nag-aakay papunta sa CR.
“Kaya doon ko naisip na ganito ang babaeng aasawahin ko tulad ng nanay ko. Dalawa ang inaalagaan ng nanay ko that time, ‘yung lolo ko mayroong colon cancer bedridden siya, tapos Papa ko na-stroke. Dalawang baldado ang inaalagaan ng ermat ko tapos tatlong batang pasaway, kami ‘yun.
“Kaya sabi ko talaga kung ibang magulang ‘yan baka iniwan na at naghanap na ng maayos na lalaki, ‘yung gagaan ang buhay. ‘Yun ang pinakahugot ko sa buhay,” pagtatapat ng aktor.
Edad 13 o 14 noong nangyari ang lahat ng ito sa buhay ni Seth na siya ang naglilinis sa lolo niya at umaakay naman sa tatay niya.
“Hindi siya maganda na makita ng isang bata. Hindi siya maganda (kasi) masakit pero in the end, panis! Panis sa akin ‘yung ibang bata,” saad ng binata.
Nasabi ito ni Seth dahil mas matindi ang pinagdaanan nitong hirap sa buhay kumpara sa ibang kaedaran niya.
At dahil sa mga nangyaring ito sa pamilya ng aktor na huwag naman sanang maulit na may magkasakit sa pamilya niya ay nagsabi na siyang, “Mawawala ako sa sirkulasyon kasi hindi ko talaga kaya.”
Inamin ng aktor na siya ang dahilan kung bakit na-stroke ang tatay niya dahil nang maglaro siya ng basketball ay hindi siya nakikinig sa coach kundi sa Papa lang niya dahil super idol niya.
Hindi sila pinalad na manalo sa laro at nu’ng pauwi na sila ay napansing iisang tsinelas lang ang suot ng ama kaya pinabalikan ang nawawala at ibinulong na, “Anak stroke ako” at pagdating ng bahay habang nasa banyo ay natumba na ito.
“Sobrang (guilty) ako hanggang ngayon na sana hindi na lang ako naglaro kasi ang Papa ko no’n katatapos lang ng Pasko sana nasa bahay lang kami.
“Pero na-realize ko na ito ‘yung buhay namin. Ito ‘yung nakasulat sa lbiro na mangyayari sa buhay namin. Ito ‘yung plano ng Panginoon sa amin.
“Naniniwala ako sa sabi ni Papa na lahat ng ibigay ni Lord, (balik) doble. Kahit may stroke na siya nagpapautang pa siya kaya sila nag-aaway lagi ni Mama, sabi niya babalik din yan doble pa.
“At heto nga ang buhay namin ngayon kaya ako ganu’n din hindi na nagdadalawang-salita pa (manghihiram). Kasi ‘yun ang natutunan ko kay Papa na kung kaya mong tumulong, tumulong ka na.
“Pag nag-uusap nga kaming tatlo (kasama mama at papa) na hindi tayo natatakot maghirap kasi doon tayo galing,” pahayag pa ni Seth.
https://bandera.inquirer.net/310542/andrea-umaming-2-taon-naging-dyowa-si-seth-dinenay-na-sinugod-si-francine-sa-dressing-room
https://bandera.inquirer.net/285072/napakain-ko-ang-pamilya-ko-dahil-sa-social-media
https://bandera.inquirer.net/301741/hindi-po-ako-perfect-nagkakamali-at-nabubulol-pa-rin-ako
https://bandera.inquirer.net/318784/andrea-brillantes-seth-fedelin-ayaw-munang-makatrabaho-ang-isat-isa-bakit-kaya