Bandera Editorial: Wag umasa kay Noy

Bandera Editorial

HINDI dapat iasa kay Noynoy Aquino, ang manunumpang susunod na pangulo, ang iyong buhay (maliban na lang kung personal mong kakilala at kilala si Aquino at malapit ka sa kanya. Kilala mo ba siya? Malapit ka ba sa kanya?).
Pero, huwag mong pigilan ang iyong sarili kung gusto mong magdiwang sa araw ng kanyang panunumpa. Sumigaw ka. Lumundag ka. Sabitan mo ng maraming yellow ribbon ang iyong kotse (kung may kotse ka) o motor (kung may motorsiklo ka) o bisikleta (kung may bisikleta ka). Kung wala ka namang kotse, motorsiklo o bisikleta ay itali mo na lang ang yellow ribbon sa iyong braso o pulsuhan habang naglalakad sa kalye, habang sakay ng tricycle o jeepney.
Ipadama ang iyong nag-uumapaw na ligaya. Kung gusto mo, sumayaw ka sa kalye (pag walang nagsasalimbarang mga sasakyan). Tulad ng ginawa mo nang lumayas si Marcos. Tulad ng ginawa mo nang iwan ng militar at ni Defense Secretary Orlando Mercado si Joseph Estrada. Tulad ng ginawa mo nang manumpa sa tungkulin si Gloria Arroyo bilang kapalit ni Estrada.
Magdiwang ka. Magsaya ka. Marami namang makikisaya sa iyo at tiyak namang hindi ka nag-iisa sa pinakamaligayang araw mo at ni Aquino.
Pero, huwag mong iaasa ang bukas kay Aquino; ang kinabukasan at ang iyong pag-asenso sa binatang pangulo. Kung hindi ka niya kilala at di ka malapit sa kanya, tiyak hindi ka naman niya papansinin. Kapag hindi ka niya pinansin, wala siyang pakialam sa iyo. Tanging ikaw lamang ang may hawak ng gulong ng iyong palad. Kung ito ay susulong, hihinto o aatras. Ikaw lamang ang may tanging kapasyahan.
Masuwerte ka nga. Hindi mo ibinoto si Manny Villar, na nangakong gaganda ang buhay mo. Dahil tanging ikaw lamang ang may kakayahang pagandahin ang buhay mo. Umasenso mula sa iyong kalagayan ngayon. Tumaas ang suweldo o madagdagan ang kita mula sa maliit na negosyo.
Sa iyong pagsisikap na tumaas ang suweldo o lumaki’t madagdagan ang kita sa negosyo, palaging isipin na may gobyernong kaagapay ka. May bagong pangulo na aagapay sa iyo at tutulungan kang makahakbang ng kahit isang baytang man lang mula sa iyong kinatatayuan ngayon.
Mangyayari ito. At kung hindi mangyayari, huwag nang umasa kay Aquino.

Bandera, Philippine News, 052410

Read more...