TAHIMIK na ginunita ng pamilya Poe ang ika-83 anibersaryo ng kapanganakan ng yumaong National Artist na si Fernando Poe Jr. (FPJ), habang nasa quarantine si Sen. Grace Poe.
Binalikan ng apo ni FPJ na si Brian Poe Llamanzares ang mga alaala ng Hari ng Pelikulang Pilipino kasama ang kanilang pamilya at mahal sa buhay.
Binigyang-pugay rin ni Brian ang kanyang lolo sa gitna ng kanyang pagtatapos sa kursong PhD in public administration mula sa University of Perpetual Help.
“Ibinahagi at ibinigay lahat ni FPJ ang kanyang makakaya para sa pamilya, sa industriya at sa masang minahal niya at nagmahal sa kanya,” ang pahayag ng binata na nagsisilbi ring chief of staff ni Sen. Grace.
“Wala ako rito sa aking kinatatayuan kung hindi sa aking lolo,” dugtong pa ni Brian na nauna nang nagtapos ng kanyang masters in climate and society mula sa Columbia University.
Samantala, sa isang Facebook post ginunita rin ni Sen. Grace Poe ang kaarawan ng kanyang ama na sinabayan ng pagkakaroon ng bagong titulo ng kanyang anak, “Proud of you and your passion to make the lives of our countrymen better.”
“Maging halimbawa sa ating lahat si FPJ para sa pananagutan, paninindigan at pagmamahal sa pamilya, kapwa at bayan,” ang dagdag pang pahayag ng senadora.
https://bandera.inquirer.net/293344/lovi-inialay-kay-fpj-ang-paglipat-sa-abs-cbn-it-makes-me-feel-close-to-my-father
https://bandera.inquirer.net/313918/lovi-poe-nagpaabot-ng-pakikiramay-sa-pagkamatay-ni-susan-roces
https://bandera.inquirer.net/286958/alden-vs-tom-aktingan-showdown-sa-the-world-between-us