“SALUDO ako sa inyong lahat!” Yan ang bahagi ng mensahe ng Teleserye King na si Coco Martin sa lahat ng nakasama at nakatrabaho niya sa “FPJ’s Ang Probinsyano”.
Sa loob ng halos pitong taon, talaga namang napakaraming artistang napanood sa longest-running action-drama series ng ABS-CBN kabilang na riyan ang mga aktor at aktres na matagal nang namamahinga sa showbiz.
Kaya naman abot-langit ang pasasalamat kay Coco at sa ABS-CBN ng mga celebrities na nabigyan ng trabaho at nabigyan uli ng chance na makabalik sa pag-arte sa panahon ng pandemya.
Last Friday, August 12, nagtapos na nga ang “FPJ’s Ang Probinsyano” at kasunod nito, isang madamdaming mensahe ang ipinaabot ni Coco sa madlang pipol kasabay ng pamamaalam bilang si Cardo Dalisay.
Sa pamamagitan ng Instagram, ibinahagi ng award-winning actor ang kanyang message pagkatapos na pagkatapos ng finale episode ng kanilang iconic show na talagang inabangan at tinutukan ng mga Pinoy all over the universe.
“Maraming Salamat, Panginoon sa pitong taon na trabaho na ibinigay nyo sa amin, Napakarami pong buhay at pamilya ang natulungan dahil sa aming programa.
“Sa aking pamilya na nakasama ko sa loob ng pitong taon, sa lahat ng artista, directors, writers, staff/crew, cameramen, drone, art department, audio men, lighting directors, fight directors, stuntmen, talents, sa lahat ng bumubuo ng programa namin, @dreamscapeph family, sobra kong saya at proud na naka buo tayo ng isang samahan at magandang proyekto na hinding hindi ko malilimutan.
“Maraming maraming Salamat sa dedikasyon at tiwala na ibinigay nyo para mapaganda ang programa natin! Saludo ako sa inyong lahat!” pagbabahagi ng aktor.
Nabanggit din niya ang Action King na si Fernando Poe, Jr. na siyang unang nagbigay-buhay sa pelikula ng kuwento ni Cardo Dalisay.
“Taos pusong pasasalamat po kay FPJ, sa aking Lola Susan (Roces), Ate Grace (Poe) sa tiwala na ibinigay niyo sa amin para magawa ang FPJ’s Ang Probinsyano.
“Sa ABS-CBN, Maraming Salamat po sa oportunidad at trabahong ipinagkatiwala nyo sa amin, sa aming mga Bosses: Tita Cory, Sir Carlo, Sir Mark, Sir Deo at sa lahat po ng bumubuo ng aming programa,” aniya pa.
Ito naman ang mensahe niya sa lahat ng manonood na nakasama nila sa loob ng pitong taon na hindi bumitiw mula nang nagsimula sa ere ang “Probinsyano” hanggang sa kahuli-hulihang episode nito.
“Mga Ka-Probinsyano, kayo po ang nagsisilbing inspirasyon sa aming trabaho. Kaya po palagi namin pinagbubuti at pinapaganda ang bawat episode para matumbasan po namin ang pagmamahal at suporta na ibinibigay niyo. Maraming maraming salamat po sa inyong lahat,” pahayag pa ni Coco.
“Muli, Walang Hanggang Pasasalamat po sa inyo at mahal na mahal na mahal ko po kayong lahat! Salamat hanggang sa muli nating laban!
“Police Major Ricardo Dalisay, Signing Off,” pahabol pa niya.
Samantala, sa final episode ng serye, umabot sa 546,543 concurrent viewers ang tumutok sa “Pambansang Pagtatapos” sa Kapamilya Online Live sa YouTube.
Naging top trending topic din sa Twitter ang mga hashtag #FPJsAngProbinsyano at #FPJAP7MissionAccomplished.
https://bandera.inquirer.net/313309/ang-probinsyano-nalalapit-na-ang-katapusan-sey-ni-cristy-fermin-siguro-naumay-na-rin-mismo-si-coco
https://bandera.inquirer.net/313150/ang-dami-kong-natutunan-at-na-discover-sa-sarili-ko-dahil-sa-viral-scandal
https://bandera.inquirer.net/315889/may-dahilan-kung-bakit-iniligtas-ng-diyos-si-cardo-dalisay-ayaw-niyang-mahulog-sa-masasamang-kamay-ang-pilipinas