Mutya ng Pilipinas pageant maghahanap ng ‘gamechangers’ sa LuzViMin

Mutya ng Pilipinas President Cory Quirino

Mutya ng Pilipinas President Cory Quirino/ARMIN P. ADINA

BONGGA ang pagbabalik ng Mutya ng Pilipinas pageant makaraan ang dalawang taong pahingang bunsod ng pandemyang bunga ng COVID-19.

Mag-iikot ito sa buong bansa upang maghanap ng mga dilag na maghahatid ng isang “purposeful tomorrow” para sa pambansang patimpalak na inilunsad noong 1968.

Makaraang manawagan ng mga aplikante sa social media pages nito, muling naglabas ng isang pahayag ang patimpalak makaraan ang ilang araw, nagbibigay-alam para sa ilang screening na gagawin sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Sa Agosto 26 na ang regional screening para sa mga aplikante mula Visayas. Gagawin ito sa CWC Cebu flagship store sa Latitude Tower sa Cebu Business Park sa Cebu City.

Maaari namang pumunta sa regional screening sa Set. 5 sa Subic Bay Yacht Club sa Subic Bay Freeport Zone, Subic Bay, Zambales, ang mga aplikante mula Central at Northern Luzon.

Para sa mga aplikante mula Mindanao ang huling regional screening. Gagawin ito sa Set. 15 sa CWC Interiors Davao flagship store sa Matina IT Park sa Davao City.

Tinatawagan ang mga dilag mula 18 hanggang 25 taong gulang, nakasaad na babae sa pagkakasilang, at may hindi bababa sa isang magulang na Filipino citizen. Walang nakasaad na minimum height requirement.

Dapat din silang nakapagtapos ng hayskul, hindi pa nag-aasawa, walang anak at hindi nagdalantao. Dapat ding wala silang anumang criminal record.

Reigning Mutya ng Pilipinas-Asia Pacific Intercontinental Klyza Castro/ARMIN P. ADINA

Hinarap ni Mutya ng Pilipinas President Cory Quirino ang ilang piling kawani ng midya sa paglulunsad ng 2022 pageant na isinagawa kamakailan sa CWC Interiors sa Bonifacio Global City sa Taguig City. Doon, sinabi niyang “during the pandemic, we realized that the brand must stay alive, must be more relevant today.”

Sinabi rin niyang makikita ngayong taon na maliban sa pagiging beauty queen, maaari ring maging “gamechanger, an agent of change” ang mga Pilipina.

Isusulong din ng 2022 pageant ang “inclusivity and sustainability,” dinagdag pa ni Quirino.

“The Mutya ng Pilipinas pageant will continue its journey and uphold its values as a cause-oriented organization. This 2022, we will have a purposeful tomorrow,” pagpapatuloy pa niya.

Sinabi ni Quirino na, sa ngayon, may nakatakdang tatlong titulo—Mutya ng Pilipinas, Mutya ng Pilipinas-Tourism International, at Mutya ng Pilipinas-Overseas Communities.

Gayunpaman, sinabi ni Quirino na kailangan nang makapili ng kinatawan para sa 2022 Miss Tourism International pageant pagsapit ng Setyempre alinsunod sa hiling ng organisasyon sa Malaysia. Sa Nobyembre itatanghal ang pandaigdigang patimpalak doon.

Para sa edisyon ng Mutya ng Pilipinas pageant ngayong 2022, ituturing pa ring bahagi ng hanay ng mga reyna sinumang itatalaga bilang kinatawan sa Miss Tourism International, ipinaliwanag ni Quirino.

Para sa mga katanungan kaugnay ng aplikasyon para sa 2022 Mutya ng Pilipinas pageant, makipag-ugnayan sa organisasyon sa mutyangpilipinasofficial.2022@gmail.com o sa 0917-8011341.

Ito ang ika-52 taon ng Mutya ng Pilipinas pageant.

Read more...