PAK na pak ang linyang “lovely, pretty, captivating, so exciting” sa Binibining Pilipinas theme song na “Win Your Heart.”
Ngunit sino kaya sa palagay ng mga kasalukuyang reyna ang pinakaakma sa ginawang paglalarawan ng kanta para sa Binibining Pilipinas?
Nakausap ng Inquirer sina Bb. Pilipinas International Nicole Borromeo, Bb. Pilipinas Intercontinental Gabrielle Basiano, Bb. Pilipinas Globe Chelsea Fernandez, at Bb. Pilipinas Grand International Roberta Tamondong sa Owner’s Circle sa Araneta City sa Quezon City isang araw makaraan nilang masungkit ang mga korona nila.
Landslide si Fernandez para sa “lovely,” lalo na at ito rin ang palayaw niya. Ngunit nalaman lang ni Borromeo ang impormasyong ito makaraan niyang italaga ang salita sa reynang Taclobanon.
“Whenever I see her, her beauty is just lovely,” ani Borromeo.
Para kay Fernandez, naramdaman din niyang “lovely” siya noong grand coronation night sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Quezon City noong Hulyo 31. “I know for myself that I performed so well, and that the judges really saw the loveliness in me,” aniya.
Tabla sina Borromeo at Tamondong sa pagiging “pretty,” nakakuha ng tigdalawang boto.
“Pretty” si Borromeo para kina Fernandez at Tamondong, sinabi pa ni Fernandez na swak si Borromeo sa “prototype” ng Miss International.
Si Tamondong naman ang “pretty” para kina Borromeo at Basiano.
“I know she (Tamondong) looks quite mature for her age, but she’s really the baby in our Aces [and Queens beauty camp] family. She’s very young, and you can see it in her eyes,” ani Borromeo.
Hati naman sila sa kung sino ang “captivating.”
Naniniwala si Borromeo na “captivating si Basiano dahil sa naging performance nito. “You’ll see that she really came from a place of growth. And her beauty, as well, it’s captivating,” aniya.
Ibinalik naman ito ni Basiano kay Borromeo, at sinabing “talagang mapapatingin ka talaga sa mukha niya, talagang sobrang ganda po niya talaga.”
Nararamdaman naman ni Tamondong na “captivating” siya sapagkat “I’m forever grateful with a captivating heart,” aniya.
Captivating din siya para kay Fernandez dahil sa taglay niyang ganda sa murang gulang na 19 taon.
Tatlong reyna ang nagsabing “exciting” si Basiano, kabilang dito ang sarili niya, si Fernandez, at si Tamondong. Tinukoy nila ang mga “pasabog” niya sa gown na nagbigay sa kanya ng parangal bilang “Best in Long Gown” nang dalawang magkasunod na taon.
Para kay Borromeo, “exciting” siya. “I’m not the smartest, not the prettiest, but I am someone filled with wonder. And I’m excited for what I can learn about the world, about the people I meet,” aniya.
Sa Oktubre na sasabak sa kani-kanilang patimpalak sa ibayong dagat sina Basiano, Fernandez at Tamondong.
Back-to-back na panalo ang target nina Basiano at Fernandez sapagkat mga Bb. Pilipinas predecessor nila sina Miss Intercontinental Cinderella Faye Obeñita at Miss Globe Maureen Montagne.
Tatangkain naman ni Tamondong na maibigay sa Pilipinas ang una nitong panalo sa Miss Grand International pageant.
Idaraos ang Miss Intercontinental pageant sa Egypt sa Okt. 14, ang Miss Globe competition sa Albania sa Okt. 15, at ang Miss Grand International contest sa Indonesia sa Okt. 25.
Si Borromeo ang may pinakamahabang panahon upang maghanda sa pagsabak sa ibayong-dagat. Hindi pa nakakalaban ang Bb. Pilipinas predecessor niyang si Hannah Arnold, na nakatakdang lumahok sa ika-70 Miss International pageant sa Japan sa Disyembre. Sa ika-71 edisyon ng Miss International pageant sa susunod na taon pa sasali ang Bb. Pilipinas ng 2022.