MAKARAAN ang dalawang-taong pahinga dahil sa COVID-19 pandemic, nagbabalik ngayong taon ang Mutya ng Pilipinas pageant.
Naglabas ang bagong Facebook page ng Mutya ng panawagan para sa mga aplikante sa patimpalak ngayong 2022.
May ilang post ding nagpapakita ng paligsahan para sa mga magiging kinatawan ng Pampanga, Caloocan, at ng pamayanang Pilipino sa Los Angeles, California, sa Estados Unidos.
Mapapansin ding ibinalik na ang “ng” sa titulo, na tinanggal para sa edisyon ng 2019, kaya nagbabalik na ito sa orihinal na pangalang “Mutya ng Pilipinas.”
Tinatawagan ang mga dilag mula 18 hanggang 25 taong gulang, nakasaad na babae sa pagkakasilang, at may hindi bababa sa isang magulang na Filipino citizen. Walang nakasaad na minimum height requirement.
Dapat din silang nakapagtapos ng hayskul, hindi pa nag-aasawa, walang anak at hindi nagdalantao. Dapat ding wala silang anumang criminal recors.
Sinabi ni Mutya ng Pilipinas President Cory Quirino sa isang press con na ipinatawag kamakailan sa CWC Interiors sa Bonifacio Global City sa Taguig City na, sa ngayon, may nakatakdang tatlong titulo—Mutya ng Pilipinas, Mutya ng Pilipinas-Tourism International, at Mutya ng Pilipinas-Overseas Communities.
Gayunpaman, sinabi ni Quirino na kailangan nang makapili ng kinatawan para sa 2022 Miss Tourism International pageant pagsapit ng Setyempre alinsunod sa hiling ng organisasyon sa Malaysia. Sa Nobyembre itatanghal ang pandaigdigang patimpalak doon.
Para sa edisyon ng Mutya ng Pilipinas pageant ngayong 2022, ituturing pa ring bahagi ng hanay ng mga reynasinumang itatalaga bilang kinatawan sa Miss Tourism International, ipinaliwanag ni Quirino.
Para sa mga katanungan kaugnay ng aplikasyon para sa 2022 Mutya ng Pilipinas pageant, makipag-ugnayan sa organisasyon sa mutyangpilipinasofficial.2022@gmail.com o sa 0917-8011341.
Ito ang ika-52 taon ng Mutya ng Pilipinas pageant.