Napakasaklap naman ng pinagdadaanan ngayon ni Claudine Barretto. Hindi lang kasi ang nakaaway niyang mister ang kalaban niya ngayon kundi pati na ang tatlo niyang kapatid na sina Gretchen, Jay-Jay at Marjorie Barretto.
Nakakalungkot ‘yun dahil hindi bale na sanang ang mister niya ang kanyang katunggali, pero kapag mismong dugo at laman na niya, napakasakit naman talaga nu’n.
Pero ‘yun ang kailangang tanggapin ngayon ni Claudine, hindi lang ang lalaking naghatid sa kanya sa altar ang kapalitan niya ng mga edibensiya sa korte, nandiyan pa ang dalawa niyang kapatid na parang kumampi pa ngayon sa mister niya.
Sa affidavit ng magkakapatid ay madiin nilang pinatunayan na kailangang alagaan ng kanilang mga magulang si Claudine dahil nakapaloob siya ngayon sa isang matinding paghamon.
Sinang-ayunan ng magkakapatid ang pahayag ni Raymart na nagdodroga si Claudine, mas madalas siyang wala sa kanyang sarili, dahil nga sa ginagamit niyang ipinagbabawal na substance.
Kuwento ng isang malapit sa pamilya Santiago, “Napakatagal na panahong nanahimik ni Raymart, kung ano-anong accusation ang ibinabato sa kanya ni Claudine, pero napuno na ‘yung tao.
“Hindi nga naman puwedeng manahimik na lang siya dahil alam na alam niya ang mga nangyayari, silang dalawa ni Claudine ang nakakaalam ng katotohanan, kaya kailangang malaman na ng public ang totoo,” napapailing na sabi ng aming kausap.
Siguro’y windang na windang ngayon si Claudine, lalo na nang mabasa niya ang affidavit ng kanyang mga kapatid, wala nang kasingsakit ang napatunayan niya ngayon na parang ang dami-daming taong pumipitpit sa kanya.
Pero tama ang punto ng mga nakakausap namin. Hiningi ito ni Claudine, siya ang naging dahilan ng kaguluhang ito, kaya kailangan niyang magtiis at harapin ang katotohanan.